SA paghagupit ng bagyong Ruby sa bansa masasabing naging epektibo ang mga ginawang paghahanda dito, hindi lang ng mismong pamahalaan kundi maging ng mga mamamayan lalu na sa mga apektadong lugar.
Malaki ang naitulong ng mga naging karanasan nang dumaan ang bagyong Yolanda, kumbaga eh natuto na sa nakaraan.
Bagamat hindi nangyari ang hinahangad na zero casualties, masasabing naging maayos at coordinated ang mga naging paggalaw ng iba’t ibang ahensya.
Ang maagang paglilikas sa mas ligtas na lugar ay nakatulong ng malaki para hindi na marami ang magbuwis ng buhay.
Bagamat malaking pinsala rin ang iniwan hindi lamang sa ari-arian, kabuhayan ng ating mga kababayan kundi maging sa mga imprastraktura at agrikultura, ang mahalaga ay naunang nabigyan ng karampatang prayoridad ang buhay ng marami.
Maayos ding naiparating ng PAGASA ang bawat galaw ng bagyo.
Sa kabila ng iba’t ibang monitoring ng ibat-ibang bansa, sa iginalaw o ikinilos ng bagyo sumakto ang pagtaya ng PAGASA na napalaking tulong sa mga isinagawang paghahanda sa mga tinamaang lugar.
Gayunman, naging kapansin-pansin na gaya sa nangyari sa bagyong Yolanda, eh ang magkakaibang figure ng nasawi na naitala. Iba ang figure ng Phil. Red Cross at malayo dito ang figure na inilalabas ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Dito madalas na nalilito ang marami, ganito rin ang nangyari noon nang manalasa ang bagyong Yolanda na hanggang ngayon nga daw ay hindi pa naibibigay ang saktong bilang ng nasawi.
Ang tanong ng marami, sino ang totoo at hindi.
Sino ang nakatutok sa mismong mga lugar na pinangyarihan at sino ang tumatanggap lang ng report sa mga naapektuhang lugar?
Sino ngayon ang inyong paniniwalaan?