SARI-SARI ang komento ng ilan nating kababayan na nag-aabang sa hagupit ng Bagyong Ruby sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Ang ilan ay nagsasabing tila masyadong maaga at sobra-sobra raw ang preparasyon sa pagpasok ng bagyo na baka hindi naman kasing lakas ng mga naunang bagyo tulad ni Ondoy at Yolanda na kumitil nang maraming buhay.
Pero hindi baleng sobra ang preparasyon sa mga pagpasok ng kalamidad o malalakas na bagyo dahil ang pinaka-importante ay maging alerto at listo ang publiko.
Kung ang gobyerno kasi ang mangunguna mismo sa mas maayos na preparasyon, ang bawat mamamayan ay kikilos din para sa pansariling preparasyon para makaiwas sa anumang sakuna at mas grabeng pinsala.
Sa ibang bansa, sadyang dinadagdagan ng kaunti ang kanilang pagtataya sa panahon para lalong maging alerto ang kanilang mamamayan at makaiwas sa anumang panganib na dala ng sama ng panahon.
Dito sa ating bansa, balewala na dapat ang mga sama ng panahon at dapat lang na masanay na nang husto ang mga mamamayan dahil taun-taon ay may panahon ng tag-ulan sa bansa na kasama na sa pamumuhay ng mga Pilipino.
Basta’t ang preparasyon ay hindi aabot sa punto na magpa-panic ang mamamayan na baka humantong din sa kaguluhan.
Payo ko sa ating mga kababayan lalo na ang mayroong kakayahan na huwag silang mag-panic buying sa mga pagkain at iba pang kagamitan at bumili lang ng tamang konsumo.
Kasi kung talagang lalala ang lagay ng panahon at nagkaroon ng grabeng kalamidad ay baka mas pag-initan din ang mga taong may naipong binili na pagkain at gamit.
Maaaring makaapekto rin kasi ito sa sitwasyon kapag ang mamamayan ay hindi kumpiyansa sa galaw ng gobyerno.
Tama lang ang maghanda at kahit pa sobra-sobra ang preparasyon basta’t ang pinakamahalaga ay makaiwas ang lahat sa sakuna o panganib at hindi na lumala ang pinsala sa buhay at ari-arian ng bawat isa.
Tandaan, huwag nating iasa sa gobyerno ang lahat nang bagay at makakabuting ang bawat indibidwal ay may sariling paghahanda para sa mas magaan na pag-alpas sa anumang kalamidad na dadaan sa ating buhay.