ISANG grupo ng Christian missionary ang napagawi sa isang isla sa Indonesia. Namigay ang mga misyonero ng Bibliya sa mga residente na karamihan ay mga pagano. Isa sa mga nakatanggap ng Bibliya ay lalaking titser na natuklasang magandang pambalot pala ng tabako ang mga pahina ng Bibliya. Araw-araw ay pinipilas niya ang pahina ng Bibliya at ginagawang pambalot ng kanyang sigarilyo.
Minsan, natapat sa John 3:16 ang pinilas niya. Napadaan ang kanyang paningin sa teksto nito: Sapagka’t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan…
Sa isip ng lalaking titser – Sino kaya ang sinasabi nilang Diyos? A, siguro, iyon ang kanilang sinasamba kagaya ng mga diyos at diyosang aming pinaniniwalaan.
Ipinagpatuloy ng lalaking titser ang pagbabasa sa pahinang pinilas niya mula sa Bibliya.
…na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinumang sa kaniya’y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.
Sa isip ulit ng titser – Aba, napakabuti naman ng Diyos nila! Ngayon lang ako nakabasa ng ganitong klaseng Diyos. Isinakripisyo ang kanyang anak para sa mga tao. Samantalang ang mga diyos at diyosa namin, kaming mga tao ang nagsasakripisyo upang huwag magalit at parusahan kami.
Naging interesado ang titser. Pumunta siya sa kabayanan kung saan tumutuloy ang mga misyonero. Muli siyang humingi ng Bibliya. Hindi na niya ito gagawing sigarilyo. Babasahin niya ito at ibabahagi ang mga nabasa sa kanyang mga estudyante. Magpapaturo siya sa mga misyonero kung paano sambahin ang tinatawag nilang Diyos.