LABING-ISANG taon na ang PangMasa (PM). Mahaba-haba na ring panahon ang ating pagsasama mga mahal naming mambabasa. Marami-rami na ring pagsubok at mga unos ang ating naranasan. Dumanas tayo ng malalakas na bagyo, baha, habagat, tagtuyo, kahirapan, kaguluhan at kung anu-ano pang mga balakid sa buhay. Pero sa kabila niyan, narito pa rin tayo at magkasama. Hindi ninyo kami iniwan. Lagi ninyo kaming inabangan at sinubaybayan. Patuloy ang walang sawa ninyong pagtangkilik. Hindi kayo nagbago sa nasimulan.
Lagi naming tinitingnan ang inyong pagmamahal. Kung wala kayo, wala rin kami rito sa kinaroroonan. Kayo ang naglagay sa amin sa mataas na posisyon. Kung hindi dahil sa inyong pagtangkilik, tiyak na wala kami rito.
Natatandaan namin nang ilunsad ang pahayagang ito noong Enero 13, 2003. Maraming tabloid din ang inilabas ng panahong iyon. Nakipagtagisan ng husay at galing. Pero makalipas lamang ang isang taon, ang mga kasabay na tabloid ay unti-unting nagsitiklop at parang bulang nawala. Ang PM, nanatiling nakatayo, matibay, matatag at patuloy sa pagbibigay ng mga maiinit at makatotohanang balita, parehas na opinion at komentaryo, nakakaaliw na balitang showbiz, mga artikulong nakalilibang at kapana-panabik na pangyayari sa sports.
Kung ano ang aming nasimulan 11 taon na ang nakararaan, iyon pa rin kami ngayon at lalo pang nag-uumigting ang pagnanais na mabigyan kayo ng kasiyahan. Lalo pa kaming inspirado na magdulot ng kasiyahan at kaaliwan sa inyo, mga mahal naming mambabasa. Walang hanggan din ang aming pasasalamat sa mga adveritisers na patuloy ding naniniwala at sumusuporta sa amin.
Maraming salamat. Naniniwala kami na walang hanggan ang ating pagsasama. Malayo pa ang ating lalakbayin patungo sa tuktok ng tagumpay sa larangan ng pamamahayag.