Tanong kay Calixto
MARAMING katanungan ang mga residente ng Pasay City sa butihin nilang mayor na si Antonio “Tony” Calixto. Subalit dahil hindi nila maapuhap si Calixto sa opisina nito dahil sobrang busy, idinaan na lang ng mga residente ang kanilang katanungan sa social networking site na Facebook. Nagulat kasi ang mga residente sa balitang bangkarote ang kaban ng siyudad samantalang marami namang pagkakitaan dito, kasama na rito ang illegal gambling ni Jun Guinto. Saan napupunta ang pera ng Pasay? Tanong po ‘yan ng mga residente. At bakit tahimik ang Commission on Audit (COA) na naka-assign sa siyudad? Kakutsaba ba ang taga-COA sa paglimas ng pondo ng siyudad? Ahhhh! Mga katanungan na tanging si Calixto lang ang makasasagot, di ba mga kosa?
Hindi naniniwala ang mga residente na bangkarote ang kanilang City Hall dahil nagsulputan nga ang malalaking negosyo sa siyudad tulad ng Mall of Asia, Midas Hotel casino, Resorts World, Solaire at iba pa. Kung tutuusin, ang mga tax at iba pang bayarin ng mga negosyong ito ay sapat na para tugunan ang pasuweldo at iba pang pangangailangan ng empleado at mga proyekto ng City Hall. Subalit imbes na mapaganda ang takbo ng City Hall, nagkawindang-windang ito at sa katunayan palaging late ang suweldo ng mga empleado na nababaon na sa utang. Suwerte na kapag nakuha nila ang 13th month pay nila sa oras nitong kapaskuhan. Boom Panes! Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!
Totoo ba ang bintang ng mga residente na niyayari sa Assessor’s Office ang assessment ng tax ng mga negosyo sa Pasay para lumiit ang bayarin nila? Sa License Department naman karamihan sa mga permit at resibo na iniisyu nila ay peke, maliban pa diyan ang hinihingi ng mga ito na lagay. Ang taga-Engineering office ay mga corrupt din, anila. Sa Traffic department naman, kokonti ang pinapasok na bayad dahil niyayari sa labas at loob ng opisina nila ni Rhea at iba pa. Ang pondo ng Scholarship, Take Care I Care, Senior Citizen’s, School Board, at allowance ng pulis, teachers, fiscals at judges ay binulsa rin. Teka nga pala, ano ang nangyari sa pondo rin ng mga barangay at mukhang walang balita ang City Hall dito? Nangangamba ang mga residente na baka masunog ang treasurer’s office ng Pasay para mawala ang ebidensiya ng mga katiwalian na ito sa liderato ni Calixto. Boom Panes! Hehehe! Bakit naman kasi ibinoto n’yo si Calixto?
Sinabi pa ng mga residente na talamak na rin ang droga at illegal na sugal ni Guinto sa kanilang lugar. Si Boyet del Rosario, na alipores ni Calixto at chief kuno ng license, ay gabi-gabing umiikot sa mga nightclub at beerhouses. Kaya naniniwala ang mga residente na maraming pera, galing man sa legal at illegal ang Pasay. Sino ang nagbubulsa nito? Sa tingin ko naman, hindi si Calixto dahil relihiyoso ito. Sa katunayan, si Calixto ay nasa Manaoag tuwing Huwebes, sa Baclaran kung Miyerkules, at Quiapo tuwing Biyernes. Subalit totoo ba ang bintang ng taga-Pasay na si Calixto ay nakikita rin sa casino, sabungan at karerahan? Puwedeng sagutin ni Calixto ang katanungan na ito ng mga residente kahit sa FB lang, di ba mga kosa? Abangan!
- Latest