Manong Wen (133)
GALIT na galit si Chester nang malaman mula sa kausap na ang nagpatakas sa mga dalagita ay si Princess. Ipinag-utos nito sa kausap na hulihin sina Princess at ang mga dalagita. Isara raw ang MARK CHESTER store para hindi makalabas sina Princess.
Pagkatapos makipag-usap ay parang baliw na nagsalitang mag-isa si Chester. Nanatili naman sa kinakukublihan si Jo. Naisip niyang irekord sa cell phone ang mga sinasabi nito. Malakas ang boses ni Chester.
“Bakit ba hindi ko pa ginahasa ang Princess na iyon. Napakalaki kong tanga. Naisama ko na siya sa bahay pero hindi ko nagahasa. Tanga ka, Chester. Tanga ka! Sobrang tanga. Wala na sanang problema ngayon. Dahil sa kanya maaaring mahuli pa ako ng mga pulis. Paano kaya nakapasok ang hinayupak na babaing iyon dito sa hideout ko. Paano kaya nalaman na dito sa Bustillos ang casa ko. Sino kaya ang nag-tip? Pero hindi bale, hindi rin sila makakalabas ng buhay dito sa teritoryo ko. Akala yata ni Princess, hindi ko alaga ang mga pulis dito sa Maynila, ha-ha-ha! Kung alam lang niya, nasa payroll ko ang mga pulis dito. Kaya kahit nalaman niya ang casa, wala ring mangyayari dahil walang rerespondeng pulis. Walang makikialam na pulis dito, ha-ha-ha!
“Kapag nahuli ko si Princess, gagahasain ko siya at saka papatayin. Hindi niya malilimutan ang gagawin ko sa kanya. Sa pagkakataong ito, sisiguruhin kong wala na siyang kawala. At kapag nagawa ko iyon, pati ang kapatid niyang dalagita ay ipahahanap ko para gahasain din at saka papatayin.”
Tumigil sa pagsasalita si Chester. Nag-isip.
Maya-maya, nagsalita uli ito. Malakas pa rin ang boses.
“Palagay ko may kasama si Princess kaya malakas ang loob na pinasok ang casa. Hindi naman siya sanay dito sa Maynila kaya paano niya nalaman ang casa. Tiyak na mayroon na siyang siyota at iyon ang kasama niya sa pagpasok dito. Kung ganoon, dalawa silang mamamatay. Magsasama sila sa hukay. Ipalilibing ko sila at pasesementuhan, ha-ha-ha!’’
Naghanda naman si Jo sa narinig. Tiyak na gagawin ni Chester ang mga sinabi. Kailangang humanda siya.
Palihim niyang dinukot ang sandatang inimbento niya mismo. Nakatiklop iyon. Dalawang bakal iyon na halos singliit ng chopstick pero kapag ibinuka ay magiging arnis na. Mas matigas kaysa kahoy at mababali ang katawan ng sinumang hahatawin.
Umatras si Jo pero pag-atras, malamig na bunganga ng baril ang nakatutok sa kanya.
“Sige pumalag ka at sabog ang bungo mo!” sabi nang tumutok.
(Itutuloy)
- Latest