N AHULAAN ni Jo na isang babae ang may kagagawan kaya pumangit nang ganoon si Chester. Maaaring ang babaing biniktima niya ang nagsaboy ng asido o kemikal sa mukha niya. Nagmistulang bungo ang kanang bahagi ng mukha. Napakapangit! At iyon ang dahilan kaya nadagdagan ang galit sa mga babae. Maaaring kailan lang nagkaganito ang mukha ni Chester sapagkat halata na bagong galing ang sugat.
Nakita ni Jo na humahakbang palapit sa pinto si Chester. Naramdaman nga siguro na may ibang tao sa loob ng bahay niya. Dahan-dahan ang paglapit ni Chester.
Mabilis namang nakaalis sa pintuan si Jo at nakapagkubli sa madilim na bahagi. Pero nakahanda siya sa anumang mangyayari. Dahan-dahan niyang kinukuha sa bulsa ang kanyang sandata na gagamitin sakaling magkagipitan. Kay Chester niya unang gagamitin ang naimbento niyang armas.
Nakarating sa may pinto si Chester. Tumigil doon at nagmasid sa paligid. Matagal na nagmasid. Para bang laser ang mga mata na sinasala ang paligid.
Maya-maya may nag-ring. May tumatawag kay Chester.
“Hello?” sagot ni Chester. “Ano? Putang-ina! Nakatakas ang mga dalagita sa kulungan sa basement. Paano nangyari iyon? Nasaan na ang mga dalagita? Ano? Putang-ina! Hanapin n’yo! Hanapin n’yo! Kapag nakita n’yo, patayin n’yo lahat! Mga gago! Ano? Sinong kasama? Isang babae? Sinong babae yun? Hanapin n’yo. Ipasara ang MARK CHESTER para hindi sila makalabas! Kapag nakalabas ang mga ’yan, kayo ang papatayin ko!’’
Tumigil si Chester sa pagsasalita. Pinakinggan ang nasa kabilang linya. Maya-maya nagsalita uli: “Sino ang nagpatakas? Isang magandang babae? Sinong babae ’yun? Ano? Princess ang pangalan? Teka, si Princess Bibingka ba?’’
Nagsalita ang nasa kabila at pinakinggan ni Chester.
“Putang ina, hanapin n’yo? Magbabayad sa akin ang hayup na babaing iyon. Uubusin ko ang lahi niya!”
(Itutuloy)