MGA PANGYAYARING KAGILA GILALAS Arnel MedinaNANG simulan ng Australyanong si David Richards ang paglalagay ng Christmas lights sa kanyang tahanan apat na taon na ang nakakaraan ay hindi niya akalaing ito ang simula ng kanyang matinding pagkahumaling sa Christmas lights.
Napakalayo kasi ng trabaho niya bilang isang abogado sa kanyang nakahiligan na paglalagay ng napakaraming Christmas lights sa kanyang tahanan. Ngunit ang kakaiba niyang hilig na ito ang nagtulak sa kanyang upang makakuha ng ilang world records mula sa Guinness.
Noong isang taon, tinanghal ng Guinness Book of World Records ang kanyang bahay bilang pinakamalaking Christmas lights display sa buong mundo dahil sa lampas 500,000 bumbilya na kanyang ginamit bilang pailaw para sa Pasko.
Ngunit hindi pa doon nagtapos ang pagkahumaling ni David sa Christmas lights dahil ngayong taon ay inimbitahan siya ng isang kompanya na punuin ng Christmas lights ang isang plaza sa gitna ng Canberra.
Binalot ni David sa Christmas lights ang plaza. Tumagal ng 9 na buwan ang ginawa niyang paghahanda at umabot sa 120 kilometro ang haba ng Christmas lights at 1 milyong bumbilya ang kanyang nagamit sa pagpapailaw ng plaza kaya naman nakuha na naman niya ang titulo ng pinakamalaking Christmas lights display sa mundo ayon sa Guinness Book of World Records.
Inaasahan namang hindi bababa sa 200,000 mga tao ang mamasyal sa plaza na pinakinang ni David at ng kanyang 1 milyong Christmas lights.