ISANG lalaki sa Netherlands ang gumastos ng 1.2 milyong (mahigit P50 milyon) para makapagpatayo ng arkong katulad ng kay Noah na nakasaad sa Bibliya.
Ayon sa nagtayo ng arko na si Johan Huibers, naisip niya ang pagtatayo ng sariling Noah’s Ark nang mapanaginipan niyang binalot ng baha ang Netherlands. Hindi naiiba ang kanyang pa-naginip sa nangyaring delubyo sa kuwento ni Noah kaya naisipan niyang magtayo ng sariling arko bilang paghahanda sa mga pagbaha na maaring mangyari sa kanyang bansa.
Sinimulan ni Johan ang pagtatayo ng arko noong 1992. Natapos niya ito matapos ang 13 taon noong 2005. Ang arko ay may taas na 23 metro, may haba na 130 metro at lapad na 29 na metro.
Sa bayan ng Dordrecht nakadaong ang arko ni Johan at nagi-ging tourist attraction na ito. Katulad kasi ng ginawa ni Noah sa kanyang kuwento sa Bibliya ay nagpatira rin si Johan ng iba’t ibang hayop sa loob ng kanyang arko kaya nagmistula na itong zoo.
Sa kabila ng pagiging isang tourist attraction ay handa pa rin naman daw ang kanyang arko para sa mga baha ayon kay Johan. Madalas kasing bahain ang mga Dutch dahil sa mababang lebel ng lupain sa Netherlands. Sa katunayan nga ay nangyari mismo sa bayan ng Dordrecht noong ika-15 siglo ang isa sa mga pinakamatinding baha sa kasaysayan na kumitil ng 10,000 buhay. Kung may katulad man daw na sakunang mangyayari sa hinaharap ay nakahanda ang kanyang arko na magsagip ng buhay.