NITONG mga nagdaang linggo ay may pinagdaraanan ako, bilang isang magulang. Mag-aapat na taong gulang na si Gummy. Pumapasok na. Nakikisalamuha na sa ibang mga bata. At hindi maiiwasang nakakapulot ng mga ugali, gawi, salita at mannerisms na hindi kagandahan. Dahil bata sila ay hindi pa nila alam ang tama at mali, ang dapat sa hindi na asta. Bilang magulang trabaho nating gabayan at turuan ang mga anak sa mundong ito. Kailangan ang labis na pasensiya.
Pero nitong nakaraan ay talagang nasusubukan ni Gummy ang patience ni Mummy. Napakabait at sweet niyang bata. Pero lately napapansin kong nagkakaroon na siya ng sumpong. Dumadalas ang tantrums at may pagsigaw at pagmamaktol na rin siya ngayon. Normal naman daw iyon sa mga bata. Ngunit nakakapanibago lang. Dahil noong mas maliit pa si Gummy ay mas madali siyang disiplinahin.
Wala pa siguro ito. Dahil hindi pa nga siya nagdadala. Anyway, ang nais kong ihinga sa inyo ay ang naisip kong pamamaraan. Minsan talaga ay hindi mo mapigilang mapasigaw at makipagsagutan sa bata na para bang siya ay kaedad mo. Parang matanda na rin kasi si Gummy. Matatas magsalita, nakakapagrason na at napakatalino. Minsan nakakalimutan kong siya ay munting bata pa lamang na hindi pa gamay ang kamunduhan.
Nasubukan ko na ring takutin siya. May monster, may mamang kukuha sa kanya kung hindi siya behaved pero dumating ako sa punto na ayoko na siyang gamitin dahil hindi naman naituturo noon ang tama at mali. Kumbaga napapasunod lamang siya dahil sa takot niya hindi dahil nirerespeto niya ang authority ko bilang ina niya.
Dati may mga set of punishments ako tulad ng face the wall or timeout. Pero hindi nagtagal ay hindi ko rin naman sila ramdam na gamin. Ang nagwo-work kasi talaga sa kanya ay ang tamang pakiusapan. Humihirap lamang kapag siyempre may mga matatakbuhan siya, ibang family members na aalo kapag umiiyak o na ibibigay ang gusto niya kapag sinabi kong No.
Maliliit na bagay lang naman ang problema. Tulad ng hindi pagliligpit ng mga laruan niya. Paano ko ituturo ang pagpapahalaga sa gamit? Naisipan kong ipamigay sa mga bata sa kalsada ang mga laruang hindi niya ililigpit. Para matutunan niyang anumang bagay ang hindi niya pahalagahan ay mawawala sa kanya.
Sa sasakyan, kapag hindi siya nag-seatbelt at naglikot likot at hindi umupo ng nakapirmi, hindi itutuloy ang lakad. No seatbelt, no pasyal rule. Kapag nagmisbehave, kahit isang liko na lang mula sa pupuntahan namin, mag-u-u-turn at uuwi kami. O kaya kung sa bahay pa lamang kahit nakabihis na kapag sinumpong at nag-tantrums sa lapag, hindi na kami aalis. Maraming beses na kasi ang nagsusungit siya at natutuloy pa rin ang lakad. Siguro pakiramdam niya ay okay lang ang ganoong behavior.
Kapag oras ng pagkain, sa lamesa lamang, may kasabay at walang distraction. Walang i-pad o laruan. Kain at kuwentuhan lamang. Kung ayaw niya ang pagkain, mananatili pa rin siya sa hapag dahil may mga kumakain pa. Hindi pwedeng kumain sa harap ng TV. Not even para kumain siya dahil distracted siya. Kailangan niyang matutunang irespeto ang pagkain at oras ng pagkain. Gayundin ang ubusin ang pagkain sa plato niya. Lagi ko sa kanyang sinasabi na maraming bata ang namumulot ng tira-tira para lamang may makain. At siya ay biniyayaan at hindi niya ito dapat sinasayang.
Ang tanong ko, napakarami ko bang rules masyado para sa isang apat na taong gulang? Pakiramdam ko kasi ang pagdidisiplina ay walang kinikilalang edad. The earlier the better. Ako kasi ay very firm at naniniwala sa tough love. Kahit masakit sa dibdib ko kung alam kong matuturuan ko naman ng tama ang anak ko ay titiisin ko ang tikisin siya. Ano ang maipapayo ninyo sa akin?