Aminado ang tanggapan ng Department of Justice (DOJ) sa patuloy na illegal drug trade at iba pang iregularidad na nagaganap sa loob ng New Bilibid Prison (NBP).
Maging ang Malacañang nga ay nababahala na rin sa problemang matagal nang namamayagpag sa naturang piitan na hanggang ngayon ay hindi masolus- solusyunan.
Sa kabila nito, patuloy daw ang tiwala ni DOJ Secretary Leila de Lima kay Bureau of Corrections Director Franklin Jesus Bucayu.
Ang BuCor ay nasa ilalim ng superbisyon ng DOJ.
Matagal na ang ganitong mga kalakaran sa loob , isama pa dyan na ang naghahari-harian sa piitan ay yaon daw mga makuwartang drug lord.
Kahit mga patakaran na dapat ipatupad sa lahat ng bilanggo ay hindi nasusunod sa lahat.
Sa madaling salita, palakasan umano ang nangyayari.
Puna ng ilan, mistulang malamig naman umano ang dating ng isyu kay Secretary de Lima dahil hindi nararamdaman kung ano ang ginagawang hakbang o pag- aksyon at parang hinihintay na lamang daw na lumamig ang nabulgar na mga isyu.
Aba’y hindi biro ang lumabas na report na 78 porsiyento ng bilanggo sa maximum security ng Bilibid ay na - test na positibo sa illegal drugs.
Lumalabas na kalat ang droga sa loob. Kulang pa rin ang sinasabi ni Sec. De Lima na pina-lakas na antidrug operations sa piitan dahil patuloy pa rin ang kalakaran.
Marami na naman ang naiisip na paraan para ito malabanan, na ganito na rin ang ginagawa ng mga dating naupo pero mistulang nabigo rin.
Ang kailangan ay totohanan at epektibong pagpapatupad.
Hindi lang sa mga bilanggo kailangang tumutok kundi maging sa mga tauhan din sa piitan na nakikipagkutsabahan.
Aantabay tayo sa kung ano at paanong imbestigasyon ang gagawin dito mg DOJ.