Doktor dito, doktor doon
NITONG nagdaang linggo, nabalitaan ko ang tungkol sa isang doktorang Pilipina na natanggap na magtrabaho bilang general practitioner sa isang malaking ospital sa isa sa mga bansa sa Middle East. Isang masasabing tagumpay dahil siya lang ang nag-iisang Pilipinong manggagamot sa ospital na pinangingibabawan ng mga ibang lahi. Dumaan din siya sa maraming proseso at hirap bago tinanggap sa pagamutang ito at masasabing tagumpay sa isa nating kababayan na kinilala sa ibang bansa ang kanyang kakayahan.
Bago pa siya lumipad at nagtrabaho sa ibang bansa, meron siyang magandang tungkulin sa dalawang ospital sa lalawigan ng Laguna dito sa ating bansa. Kung ano ang dahilan at iniwan niya ang trabaho niya rito, siya lang marahil ang nakakaalam niyon bukod sa naipahayag niya na gusto niyang samahan ang kanyang asawa na nagtatrabaho bilang nurse sa naturan ding ospital sa Gitnang Silangan na kanyang pinasukan. Pero hindi naman mga ibang lahi lang ang kanyang magagamot dahil marami rin namang mga Pilipino sa naturang bansa na makikinabang sa kanyang serbisyo.
Nabanggit ko ang tungkol sa kanya dahil, minsang isang umaga, nagtungo ako sa isa sa dalawang pangunahing ospital sa isang lunsod sa Laguna para magpatingin sa puso. Sa unang ospital, walang cardiologist na puwedeng tumingin sa akin dahil, ayon sa receptionist, lahat ng apat nilang doktor sa puso ay dumadalo sa isang convention. Nang tanungin ko kung paano kung meron nang inaatake sa puso, ang sagot niya ay maaari naman daw sa emergency room ang pasyente. Hindi nga lang sinabi kung sinong doktor ang titingin kung wala pala silang cardiologist. Maaaring internist na muna ang umasikaso rito.
Lumipat at nagbakasakali ako sa pangalawang ospital bandang ala-una ng hapon pero, sa kasamaang-palad, wala pa ang nag-iisa nilang cardiologist. At pang-58 ako sa nakapilang naghihintay na pasyente kaya, sabi ng sekretarya, baka bandang alas-7:00 ng gabi na ako matingnan ng doktor. Hindi na naman nakakagulat ang ganoong sitwasyon sa mga ospital sa ating bansa na mahahaba ang pila ng mga outpatient na gumugumon nang mahabang oras ng paghihintay bago matingnan ng doktor. Pero ang nararamdaman kong kabiguan sa ganitong sitwasyon sa tila kakulangan ng mga doktor ay naibsan pagkakita ko sa isang matagal ko nang kakilalang doktor na hanggang sa kasalukuyan pala ay nagtatrabaho sa naturang ospital. Nababanaagan na sa kanyang mukha ang mga gatla ng pagtanda. Kung meron mang mga doktor na mas piniling magtrabaho sa ibang bansa, meron din namang mga manggagamot na mas piniling manatili at maglingkod sa sarili nilang bansa kahit napakalakas ng tukso ng mas magandang oportunidad sa ibayong-dagat.
Magkaganoon pa man, patuloy pa rin ang brain drain sa Pilipinas na ang marami nating mga propesyonal tulad ng mga doktor ay mas piniling magtrabaho sa ibang bansa. Pero ikinakarangal din natin ang mga doktor natin na mas pinili ring manatili sa Pilipinas.
- Latest