NAGYAYABANG si alyas Jessica, financier ng pergalan sa Salitran at sa Stoplight sa Dasmariñas, Cavite na kusa n’yang ililigpit ang illegal n’yang negosyo kapag lumabas pa sa PM PangMasa ang pangalan n’ya. Ayon kay Jessica, hindi n’ya napapansin na naging topic ng Supalpal ang ilegal na negosyo n’ya dahil hindi naman siya nagbabasa ng PM. Hehehe! Puwede! Sinabi ng mga kosa ko na ipinapasara ni Cavite PD Sr. Supt. Junel Estomo ang mga pergalan nina Jessica, Tessie Rosales at Sonny Atienza subalit nakiusap ang bagman n’ya na si Caloy Colanding ng ilang araw na palugit dahil may nakausap na silang kikilos na mamagitan para di na sila malagay pa sa diyaryo. Ito na ang problemang dulot ng “goodwill”, di ba mga kosa? Ayon kay Jessica, isang publisher ang kausap n’ya para isulong ang interes nilang tatlong ilegalista. Boom Panes! Hehehe! Pasko na talaga kaya’t nagkalat na naman ang mga manggagantso! Tumpak!
Sa pagkaalam ng mga kosa ko, nabili ng grupo ni Caloy sa halagang P230,000 ang weekly payola sa Cavite. Bahala na ang grupo ni Caloy sa lahat ng kausap, lalo na sa media. Kaya masaya sa ngayon sina Jessica, Aleng Tessie at Sonny dahil me namamagitan para sa interes nila kapalit ng “goodwill” at weekly intelihensiya. T’yak ‘yun!
Sa pagkaalam ng mga kosa ko, kaya hindi mapasara itong pergalan nina Jessica, Aleng Tessie at Sonny ay dahil malaking kabawasan ito sa take home payola ni Calabarzon police director Chief Supt. Jesus Gatchalian na magreretiro na sa Enero. Puro kabig lang itong si Gatchalian sa ngayon, at hindi na niya inaalintana kung sumasama ang sitwasyon ng kriminalidad sa Calabarzon dahil sa naglilipanang pergalan at pasugalan sa Southern Luzon. ‘Ika nga, bulsa service na lang niya ang inaatupag ni Gatchalian at hindi public service, di ba mga kosa? Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!
Kung masaya ang tropa nina Jessica, Aleng Tessie at Sonny, ganun na din itong si Jun Guinto na palihim na nagtayo ng pasugalan sa Pasay City. Inumpisahan ni Guinto ang racehorse bookies n’ya noong Nob. 1 para hindi siya mapansin at hindi rin makapagbigay ng lingguhang timbre sa pulisya. Ang pinalabas ni Guinto at katropang si Caloy din na ang management ng pasugalan nila ay itong si Nestor Barurot na taga-Tengco. Ang iba pang puwesto nina Jun Guinto at Caloy ay sa sabungan sa Pasay, sa Tramo, sa Libertad, sa Harrison, sa Villaruel, sa Adela Hidalgo, at sa Vergel. Nasa likod din ng operation ni Roderick na tao nina Christian at Bon Jose itong sina Guinto at Caloy. Si Roderick ang me hawak naman ng larong lotteng, ending, EZ2, pick 4 na ang kubransa ay dinadala sa Tengco St., ng kapitbahay ng una na pulis. Hehehe! Wala ka nang maitago sa panahon ngayon ng hi-tech gadgets, di ba mga kosa?
Sa pagkaalam ko taga-Cavite sina Caloy at Guinto, bakit pinapayagan ni Mayor Tony Calixto na makinabang sila sa Pasay? Tanong lang po!
Kung hindi makakilos si Mayor Calixto laban kina Guinto at Caloy, eh lalong hindi niya papansinin ang pa-tupada ng pamangkin niya na si Jeff sa likod ng East Asia, di ba mga kosa? Siyempre, blood is thicker than water. Tuwing Biyernes at Linggo ang pa-tupada ni Jeff Calixto sa sakop ng PCP 1. Boom Panes! Abangan!