(Part 2)
Sa naunang artikulo, binanggit ko na mura lang ang mag-pa-Executive check-up. Hindi ito dapat katakutan o ipagpaliban. Ang lahat ng tao edad 40 pataas ay magandang magpa-check up. Kung ikaw ay wala pang 40, pero mayroon ka nang nararamdaman sa katawan, maigi rin na magpakunsulta sa doktor.
Heto ang mga tests na dapat gawin kada 1 o 2 taon. Ang mga blood tests ay ang CBC, FBS, Uric Acid, Lipid Profile, SGPT at Creatinine. Ang urinalysis ay kailangan din.
Bukod dito, mayroon ding ibang mga tests na mahalaga:
1. Chest X-ray – Ang Chest X-ray ay nagkakahalaga lang ng mga P250. Makikita rito kung ikaw ay may impeksiyon sa baga, may bukol sa baga o may diprensiya sa puso. Kung ikaw ay naninigarilyo, kailangan mong magpa-X-ray. Kung ikaw ay madalas ubuhin o may plema, makikita sa Chest X-ray kung ika’y may impeksiyon. Laganap din sa atin ang tuberculosis, na umaabot sa 400,000 na Pinoy ang may sakit nito.
Mainam ding ipa-X-ray ang ating mga kasambahay o kamag-anak na madalas inuubo. Nakakahawa kasi ang sakit na tuberculosis kapag hindi ito ginamot.
2. ECG – Ang ECG ay isang test para makita kung ikaw ay may sakit sa puso. Mura lang ang ECG, mga P150 lamang. Minsan may libreng ECG sa mga medical mission. Kung normal ang inyong ECG ay wala naman dapat ikabahala. Ngunit kung may findings, magpa-check sa isang cardiologist (espesyalista sa puso).
3. 2D-Echocardiogram – Ang 2D-Echo ay ginagawa lamang kung may natuklasang problema ang inyong cardiologist. Mas-tumpak ito kaysa sa simpleng ECG. Ang 2D-Echo ay parang ultrasound ng puso kung saan lalabas ang hugis ng inyong puso sa isang telebisyon. Nagkakahalaga ito ng P1,800 sa murang laboratoryo, ngunit aabot ng P4,000 sa malalaking ospital. Hindi po ito masakit pero may kamahalan lang.
4. Ultrasound of the whole abdomen – Kung ikaw ay may nararamdaman sa parte ng tiyan, nararapat magpa-Ultrasound ng buong tiyan. Makikita kasi rito kung may diprensiya ang inyong atay (liver), apdo (gallbladder), lapay (pancreas), bato (kidneys), matres (uterus), obaryo (ovaries) at pantog (bladder). Ang galing hindi ba? Nagkakahalaga ito ng mga P1,000 sa murang laboratory center.
Sa katunayan, mas madalang ipa-check ang 2D-Echocardiogram at Ultrasound of the Abdomen. Ngunit kung may duda kayo sa inyong puso o mga organo sa tiyan, maganda po ang mga tests na ito. Malalaman natin ang tunay na lagay ng inyong katawan.
Humanap ng laboratory na mura at subok na. Huwag matakot. Alamin ang sakit para malunasan ito nang maaga. Good luck po!