Manong Wen (125)

WALA nang hagdan! Maaring iyon na ang huling level o pinaka-basement. Kung last na ang hagdan, maaaring narito ang may-ari ng naririnig niyang iyak, ungol o hikbi.

Tama si Princess sa­pagkat pagpihit niya sa kaliwa isang malawak na parang sala ng bahay ang nakita niya. Pero wala namang gamit doon. Naka-tiles ang mga suwelo at pinturado ang dingding – kulay puti.

Lumakad siya. Dahan-dahan. Naririnig pa niya ang iyak at ungol. Palakas nang palakas. Ibig sabihin, malapit na siya sa kinaroroonan ng mga umiiyak.

Lumakad pa siya. Kaila­ngang makita niya ang pinagmumulan ng iyak. Ma­aaring tama si Jo na ang mga umiiyak ay mga dalagitang kinidnap. Dito sa basement kinukulong bago dalhin sa mga paruk­yano. Hayop talaga si Chester! Kailangang maputol na ang kawalanghiyaan niya! Mga inosenteng dalagita ang pinagbebenta sa mga dayuhan.

Patuloy sa paglalakad si Princess. Hanggang sa mapatapat siya sa isang room na nakasarado ang pinto. Pinihit niya ang seradura. Sarado. Idinikit niya ang taynga sa pinto. Pinakinggan. Narinig niya ang iyak at ungol. Sa room na iyon naroon ang mga dalagita! Sigurado siya.

Nag-isip siya ng paraan kung paano masisilip ang nasa loob. Dinukot niya sa bulsa ng jacket ang maliit na lanseta na lagi niyang dina­dala noon sa pagtitinda ng bibingka. Tinusok ang pinto. Kayang butasin. Kahit ka­unting butas lang ay puwede na. Basta masilip lang niya ang nasa loob.

Hanggang sa makagawa siya ng butas na singlaki ng piso.

Sumilip siya. Mga dala­gita nga. Magaganda! Umiiyak ang ilan. Mga naka-school uniform pa ang ilan.

Kailangang mabuksan niya ang pinto!

(Itutuloy)

Show comments