BALAK ng Department of Trade and Industry (DTI) na taasan ang multang ipapataw sa mga magma-manufacture, mag-iimport at magbebenta ng mga depektibo o substandard na Christmas lights. Mula sa multang P300,000 ay gagawin na raw P1 milyon. Ayon sa DTI, masyadong mababa ang kasalukuyang multa kaya hindi pa rin masawata ang paggawa at pagbebenta ng mga takaw-sunog na Christmas lights. Ayon sa DTI, taun-taon ay lalong dumarami ang mga substandard na Christmas lights na ibinibenta at patuloy din namang tinatangkilik ng mamamayan dahil mura. Ang Christmas lights na may 50 bulbs ay ibinibenta ng P45 bawat bungkos o 3 for 100. Murang-mura kaya naman pinuputakte ng mamimili sa Divisoria, Carriedo, Cubao at Baclaran.
Ayon sa DTI, noong nakaraang taon, nasa P1.3 milyong halaga ng mga depektibong Christmas lights ang kanilang nasamsam. Ngayong taon ay mas marami pa umano ang kanilang nasamsam. Ang lahat nang kanilang nasamsam ay dinurog lahat noong Martes para hindi na mapakinabangan. Pinadaanan sa pison ang mga nakatambak na Christmas lights na sinaksihan ng media. Ginanap ang pagdurog sa bakuran ng DTI. Nasa 10,334 sets ng Christmas lights ang dinurog.
Maganda ang panukala ng DTI na taasan ang multa ng mga mahuhuling gumagawa, nag-iimport at nagbebenta ng mga depektibong Christmas lights. Pero sigurado bang mai-implement ito? Lahat nang mga takaw-sunog na Christmas lights ay Made in China o Made in Taiwan. Paano pagmumultahin ang importer gayung ang mga ito ay ipinapasok nang illegal sa bansa. Dapat ang mga nasa Customs ang kasuhan dahil sila ang nagpapabaya kaya nakakapasok ang mga takaw-sunog na Christmas lights.
Paigtingin ang kampanya sa pagsamsam sa mga Christmas lights para wala nang maibenta sa mga tao. Lubhang delikado ang mga ito. Madaling masunog. Ang mga depektibong Christmas light ang naging dahilan ng kamatayan ng anak na babae ni dating House Speaker Jose de Venecia ilang taon na ang nakararaan.
Huwag isapalaran ang buhay sa mga substandard na Christmas lights. Bilhin ang may ICC markings.