Ang Batang Makulit

MAINIT ang dugo ni Malou kay Jay, ang walong taong gulang­ na kalaro ng kanyang anak na si Ron. Kapitbahay nila ang pamilya ni Jay. Masyado kasing “feel at home” ang batang ito kapag nasa bahay nila at nakikipaglaro sa kanyang anak. Basta na lang nito kinukuha ang mga laruan ni Ron sa cabinet nang walang paalam at pagkatapos ay iiwanang nakakalat sa sahig kapag nagsawa na sa paglalaro. Minsa’y napagtripan nitong maglulukso sa kama ni Ron na naging dahilan para lumubog ang gitnang bahagi ng kama.

“Narito na naman ang batang malikot… nakuuu! Pasalamat siya at nababaitan ako sa kanyang ina, kung hindi, matagal ko nang kinutusan ang makulit na ’yan,” ito ang laging nasasaloob ni Malou tuwing dumarating si Jay sa kanilang bahay.

Isang weekend ay nagkayayaang manood ng sine ang mister at mga anak ni Malou. Masama ang pakiramdam ni Malou kaya hindi siya sumama. Mga tatlong oras ang lumipas simula nang umalis ang mag-aama ay nakaramdam ng pananakit ng dibdib si Malou na may kasamang hilo. Dali-dali niyang hinanap sa bag ang kanyang cellphone upang kontakin ang mag-aama at pauwiin na ang mga ito. Malas, walang load ang cellphone!

Maya-maya ay narinig ni Malou ang boses ng batang kina­aasaran niya! Tinatawag ni Jay si Ron. Sa kauna-unahang pagkakataon… ikinatuwa niya ang pagdating ni Jay. Sinenyasan kaagad niya si Jay na pumasok sa bahay. Halos hindi na niya makita si Jay dahil nanlalabo na ang kanyang mata nang lumapit ito sa kanya. Ang huli niyang natandaan bago mawalan ng ulirat ay napasigaw si Jay ng “Tita Malou!”

Ang ama at ina ni Jay ang tulung-tulong na nagsugod kay Malou sa ospital. Naiwan si Jay sa kanilang bahay at ito ang kumontak sa mag-aama na noon ay nasa kalagitnaan ng pano­nood ng sine.

Pinaglalamayan na siguro si Malou kung hindi kaagad siya naisugod sa ospital. Ngayon, ipinaghahanda pa niya ng meryenda si Jay kapag nagpupunta sa kanilang bahay­. Pinagsasabihan niya ito nang maayos kapag medyo napapasobra ang kakulitan. May concern na siya kapag nagsasalita at totoong love na rin niya ang kalaro ng anak.

Show comments