BAHALA na! Iyon ang sinabi ni Princess sa sarili. Narito na siya sa loob kaya tuluy-tuloy na ang gagawin niya para makarating kung saan hahantong ang lagusan.
Pero bago siya bumaba sa hagdan, dinukot niya ang cell phone sa bulsa at tinawagan si Jo. Bago sila naghiwalay ni Jo kanina, nag-usap na sila sa maaaring mangyari. Tatawagan niya si Jo para ibalita ang kinaroroonan. Naisip din niya na baka mawalan ng signal ang cell phone niya.
“Jo, narito na ako sa loob ng lagusan!”’ sabi niya.
Gulat si Jo. Hindi makapaniwala. Ikinuwento ni Princess ang nangyari.
“Mag-ingat ka Princess. Narito pa ako sa labas ng casa. Hindi ako makapasok sapagkat may mga armadong guwardiya sa gate. Nasilip ko kanina nang may pumasok na van sa loob. Palagay ko, may mga dalagitang kinidnap sa loob ng van.’’
“Oo mag-iingat ako, Jo.’’
“Sisikapin kong makapasok sa loob.’’
“Sige, Jo. Anuman ang mangyari sa akin, mahal kita.’’
“Mahal din kita Princess. Sisikapin kong makapasok para magkasama tayo sa paghuli kay Chester.’’
“Okey, Jo. I love you.’’
Tinapos nila ang pag-uusap. Itinago ni Princess ang cell phone.
Ipinasya niyang bumaba na sa hagdan. May bahagyang liwanag sa hagdan kaya nakikita niya ang hahakbangan.
Habang pababa, ingat na ingat siya sa paghakbang. Ayaw niyang gumawa ng ingay.
Talagang dinesenyo ang hagdan para sa pagtakas. Pasikut-sikot para hindi agad makasunod ang hahabol.
Nagpatuloy siya sa pagbaba sa hagdan. Malamig ang temperatura. Habang pababa ay palamig nang palamig.
Hanggang sa makarinig siya ng ingay. Tumigil siya.
(Itutuloy)