Presidential Debate Commission, madaliin

NAPAPANAHON na upang maobliga ang lahat ng mga nagnanais na maging kandidato sa presidential elections­ na sumailalim muna sa isang debate ng mga kapwa kandidato.

Isa kasi itong magandang pamamaraan upang malaman ng publiko lalo na ng mga botante kung ano ang ka­libre ng kandidatong napupu­suan at kung may maganda ba itong plano sakaling manalo sa eleksiyon­.

Sa isang debate ay maaring lumabas ang lahat ng kasiraan, kahinaan ng isang kandidato lalo na kung may kinasasangkutan itong eskandalo o anomalya.

Napakaimportante na obligahin ang mga kandidato tulad na lang sa kaso ni Vice President Jejomar Binay na ayaw humarap sa Senado at umatras sa kanyang hamon na debate kay Senador Antonio Trillanes.  Kung natuloy ang debate nina Binay at Trillanes­, magandang pagkakataon ito upang maipaliwanag kung dapat bang paniwalaan ng publiko ang mga alegasyon ng katiwalian noong ito pa ang mayor ng Makati City at ang umano’y tagong yaman.

Sana naman ay umabot upang maging batas ang panukala ni Sen. Miriam Defensor Santiago na bumuo  ng isang Presidential Debate Commission na mag-oobliga sa lahat ng mga presidential candidates na sumabak sa debate.

Kung  mangyayari ito, mas magiging madali para sa mga botante na pumili ng kandidato at higit sa lahat ay makapamili ng tamang kandidato na maayos na mangangasiwa sa gobyerno.

Sa kasalukuyan kasi ay idinadaan na lang sa popularidad at ang ilan naman ay sa pamamagitan ng kanilang pondo sa kampanya kahit pa sangkot ang ilan sa katiwalian.

Sa kampanya sa eleksiyon bukod sa pag-iikot sa iba’t ibang lugar ay liyamado ang kandidato kung may sapat na pondo dahil maari ditong daanin sa napakaraming political advertisements na subok na ring epektibo upang makuha ang mga botante.

Panawagan ko sa mga senador at kongresista na madaliin ang panukalang Presidential Debate Commission para maihabol ito sa 2016 elections. Tiyak na walang lusot dito ang mga takot sa debate at umiiwas na makuwestiyon ang kredibilidad sa harap ng publiko.

Show comments