“AKO ang legal wife…” Batuhan ng linya sa mga nauusong teleserye na nag-aagawan kung sino ang tunay na asawa. Iisiping nangyayari lang sa loob ng kwadradong mundo ng telebisyon o teledrama sa radyo subalit nagaganap na rin sa totoong buhay ngayon. Tinawagan niya ang mister na nasa Malaysia. Hinanap niya ito, nagulat siya ng babae ang sumagot, “Wala si Ariel, asawa niya ito…”
“E ako ang asawa huh!” ani ‘Che’.
“Nung nandito ka pa! Ngayon ako na!” matigas na sagot ng babae. Murahan na umano ang sumunod na palitan ng salita ni Ma Chessie Santiago o “Che”, 41 anyos at bagong kinakasama daw ng mister na kinilala niyang si “Ling”---taga Cebu. “Kaya pala pinauwi na niya kami ng anak niya. Gusto pa naman naming tumagal sa Malaysia… May papalit na pala sa amin,” ani Che.
Lumaki sa Plaser, Masbate sa lungsod ng Esperanza si Che. Tubong San Fernando, Pampanga ang asawang si Ariel Santiago, 43 anyos. Naghuhulma ng turnilyo ng barko sa PIASAU SLIPWAYS SDN. BHD, Malaysia. Taong 1991, nagtrabaho na siya sa Maynila bilang ‘sales lady’. Nagtatagal siya sa lahat ng pinapasukan. Isa na dito ang Golf Depot. Nawalan na daw siya ng oras makipagrelasyon dahil mas masaya siyang magtrabaho. Nung minsan binigyan siya ng ‘textmate’ ng kaibigang si ‘Riza’. Sa ex-boyfriend daw ni Riza sa Malaysia siya dapat irereto subalit ipinasa naman nito ang kanyang cell phone number sa kaibigan nitong si Ariel. Naging magka-text sila ni Ariel sa loob ng dalawang taon. Hindi pa uso ang mga ‘networking sites’ nun kaya’t sa pagpapadala ng larawan (MMS) sa cellphone niya ito unang nasilayan. “Nagulat ako nung makita ko siya, para siyang si April Boy Regino na Moreno…mahaba ang buhok niya,” ani Che. Hindi niya daw tipo si Ariel subalit pagtagal nahulog na rin siya dito. Naging sila at naging seryoso si Ariel sa kanya. Isang taon silang magka-text ng tanungin ni Ariel ang sukat ng kanyang daliri. “Plano niya, pag-uwi sa Pinas magpakasal kami. Anim na buwan kong pinag-isipan. Anim na buwan bago ako nagbigay ng sukat ng singsing,” aniya.
Agosto 2002 umuwi ng Pinas si Ariel. Dumiretso sila sa probinsya ni Che para ikasal sa Masbate. Isang buwan lang ang nagdaan balik Malaysia siya. Kada isang taon kung umuwi si Ariel. Limang taon ang hinintay nila bago magkaanak. Taong 2007, nang isilang ni Che ang isang batang babae. Kahit malayo sa isa’t-isa ang dalawa, maayos ang relasyon nila. “May facebook na nun kaya nagkaka-chat na kami. Madalas din siyang tumawag saming mag-ina,” sabi ni Che. Maayos din ang padala ng pera ni Ariel. Nagbibigay siya ng halagang P18,000 hanggang P20,000 buwan-buwan. Sa mga perang naipon ni Che nakapundar sila ng bahay sa Sucat. Mula ng magkaanak si Che, tumigil siya sa pagtatrabaho at naging kada dalawang taon ang kontrata ni Ariel. Dito na nagsimulang magbago ang mister—nung taong 2010. Naging matumal ang pagtawag ni Ariel. Nung minsang ma-‘wrong send’ din ito sa kanya. “Hon, kamusta ka na?” text daw ng asawa. Nagtaka si Che dahil ‘Babe’ ang daw ang tawagan nila at hindi “Hon”. “Sa kasamahan daw niya yun. Naki-text lang daw sa kanya,” ani Che. Hindi man umamin ang mister, malakas ang pakiramdam ni Che na may babae daw ito kaya’t ang ginawa niya bumalik sa pagtatrabaho. “Kesa maloka ako kaiisip. Nagtrabaho ako ulit,” ani Che. Nobyembre 2010, nagbalik sa Masbate si Che kasama ang anak at nagpalamig muna. Habang nasa probinsya, tumawag na lang si Ariel at sinabing “Move on na ako. Mag-move ka na rin,” aniya na para bang nakikipaghiwalay na. Hindi pumayag si Che. Binigyan nila ulit ng pagkakataon na maayos ang kanilang relasyon. Umamin daw si Ariel na may naging gf subalit wala na raw sila. Mayo 2012, nung magbakasyon sa Pinas si Ariel bumawi siya sa mag-ina at dinala ang mga ito sa Malaysia. Halos tatlong buwan din silang nanatili dun. “Bumalik kami sa dati. Naging mainit muli ang aming relasyon, nabuntis ako sa Malaysia,” sabi ni Che. Balak pa sanang magtagal ni Che dun subalit pinauwi na siya ng mister. Buwan ng Agosto 2012, tumawag siya kay Ariel. Nagulat siya ng babae ang sumagot. Sabi daw nito, “Wala si Ariel asawa niya ito!” Nagpakilala rin si Che at sinabing siya ang asawa subalit matigas na sabi daw nito, ‘Nung nandito ka pa, ngayon ako na!” Dahil sa mga pangyayaring ito, tuluyan ng nawasak ang kanilang pamilya. Setyembre nasabing taon nabuntis rin umano si Ling. Mula nun bumaba na daw ang padalang pera ni Ariel. Nasa P6,000-P7,000 na lang umano. “Pinapili ko siya kung ako o si Ling ‘di niya ako pinili. Sabi pa ni Ling kaya daw niya pinatulan ang asawa ko dahil may sakit akong diabetes at malapit na akong mamatay,” ayon kay Che.
May sakit man at umiinom ng gamot kinakaya ni Che na magtrabaho para suportahan ang kanyang mga anak. Kahilingan niya dagdagan ni Ariel ang kanyang padala kahit konti lang. Itinampok namin siya sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. Ang “HUSTISYA PARA SA LAHAT”, DWIZ882 KHZ(Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM/Sabado 11:00-12NN)
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, para tulungan si Che, inemail namin si Usec. Rafael Seguis ng Department of Foreign Affairs, para maiparating sa ating embahada ang kahilingan ng misis, ipatawag itong si Ariel at paalalahanan siya sa mga naiwang obligasyon sa Pilipinas. Ang mahirap lang dito, matapos mangako ng lupat at langit itong si Ariel paglabas niya ng gusali ng embahada wala namang makapipilit sa kanya na tuparin ang kanyang mga sinabi. Kami naaawa sa mga anak ni Che at anak mo din sila Ariel. Sa ganitong sitwasyon ang tanging magagawa ni Che ay humanap ng ekstrang mapagkakakitaan tulad ng pagtatayo ng maliit na negosyo sa pamamagitan ng Microfinance. Kung saan walang hinihinging collateral kundi isusumite mo lang ang iyong balak na negosyo. Matapos nilang timbangin ito sa tingin nila ito’y kikita mabilis nilang aaprubahan ang iyong hinihiram na pera sa ganitong paraan maidadagdag mo sa ipinapadala sa inyong P6,000 kada buwan. Hindi dapat huminto ang pag-ikot ng mundo dahil ayaw dagdagan ng mister mo ang kanyang sustento sa obligasyon sa kanyang anak. Meron mga ibang paraan din lalo na ngayong kapaskuhan. Maari kang magbenta ng mga kakanin o fruitcake at sa ganung paraan naeehersisyo ka pa at makakatulong sa sakit mong diabetes. ‘Di ka dapat magpatalo sa sitwasyon ng buhay tandaan mo, kumilos ka dahil kinabukasan na ng mga anak mo ang pinaglalaban mo. Ikaw naman Ariel, sa ginagawa mong pagpapasarap dyan, ‘wag mong hintayin ang iyong mga anak na kamuhian ka dahil sa kanilang paglaki dala nila sa kanilang puso at alaala na sila’y iyong tinalikuran at pinabayaan. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor City State Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig. O mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Landlines 6387285 / 7104038.