SANAY na ang mga tao sa bansang ito sa kabagalan ng pagdedesisyon sa kaso. Hindi na mababago ang kalakarang ito. Ganunman, mabuti na rin kaysa walang makamit na hustisya. Kahit usad-pagong may natamo rin namang katarungan.
Gaya nang nangyari sa Ozone Disco tragedy noong Marso 18, 1996 na ikinamatay ng 162 katao. Labingwalong taon ang hinintay bago ibinaba ng Sandiganbayan ang hatol sa pitong public officials at dalawang may-ari ng Ozone.
Ayon sa Sandiganbayan Fifth Division nilabag ng QC officials ang Republic Act No. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act). Hinatulan nang hanggang 10 taong pagkabilanggo sina dating City Engineer Alfredo Macapugay, at kanyang mga staff na sina Donato Rivera Jr. Edgardo Reyes, Francisco Itliong, Feliciano Sagana, Petronillo de Llamas, Rolando Mamaid at ang mga negosyanteng sina Hermilo Ocampo at Ramon Ng, stockholders ng Westwood Entertainment Co. Inc. na nag-o-operate sa Ozone.
Ayon sa record ng korte, naganap ang sunog habang nasa gitna ng kasayahan ang lahat. Nagliyab ang discs jockey booth at mabilis na kumalat ang apoy sa dance floor. Nag-panic ang mga tao at nag-unahan sa paglabas subalit na-trap sila sa pinto sapagkat, hindi iyon maitulak palabas. Napag-alaman na ang swing door ay paloob ang pagbubukas pero dahil maraming natipon sa pinto, hindi iyon mabuksan. Na-trap sila at nasunog nang buhay.
Ayon sa korte nagkaroon ng suhulan kaya naging madali ang pag-iisyu ng building permit at certificate of occupancy sa may-ari ng Ozone. Hindi na nagkaroon ng inspection sa disco club. Maraming paglabag ang Ozone katulad ng hindi pagkakaroon ng fire exit, walang fire extinguishers, sprinklers at iba pang dapat taglayin ng isang establisimento. Naging madali ang operasyon ng Ozone sapagkat tinapalan ng pera ang matatakaw na QC officials.
Maitatanong ngayon kung nagpapatuloy pa ang ganitong kalakaran sa Quezon City Hall. Posible. Tiyak na may mga “buwaya” pa roon na inaaprubahan ang building permit kahit hindi umaayon sa National Building Code.