MAG-INGAT sa mga gumagalang utak-kriminal, bastos at pasaway na mga taxi driver sa lansangan.
Dumadami na naman kasi ang mga “isnaberong taxi” kung tawagin. Sumasabay sa dagsa ng tao ngayong “ber” months.
Namimili ng mga pasahero, walang galang, nangongontrata at ‘di gumagamit ng metro o ‘di naman kaya namimili ng destinasyon. Pero ang pinaka-nakakabahala, ‘yung modus na “langhap” ng mga putok sa buho.
Hindi na ito bago. Maaaring narinig at napanood ninyo na ito sa mga balita. Maaaring isa ka na sa mga nabiktima. Pero, tulad ng mga awtoridad, lito pa rin sila kung ano ang ginagamit na kemikal sa modus.
Kaparehong buwan ng nakaraang taon nang isinagawa ng BITAG investigative team ang pag-iimbestiga dito. Pinamagatan naming “Langhap” ang palabas dahil sa estilo ng mga masasamang-loob.
Gamit ang basang face towel, sadya nila itong itinatapat sa aircon vent ng taxi. Delikado ang kemikal na ito. Dahil kapag nalanghap, agad makakaramdam ng pagkahilo, pagkamanhid ng katawan at panghihina ang pobreng pasahero.
Dito nagkakaroon sila ng oportunidad na isagawa ang krimen. Masahol dito hindi ka lang mananakawan. Nagagawa rin ng mga utak-kriminal na drayber na molestiyahin ang kanilang target.
Marami na ang mga nabiktima sa modus na ito. Lahat mga babae. At ang krimen, karaniwang isinasagawa sa gabi.
Kaya naman muling nagpapaalala ang BITAG sa mga taxi rider, laging maging ‘lerto at ‘listo sa lahat ng oras para hindi maisahan at madenggoy ng mga putok sa buho.
Para mabiktima ng ganitong uring modus, abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.