Manong Wen (119)
“S INABI ba kung anong pangalan ng convenient store na pinagdadaanan sa pagtakas, Precious?” tanong ni Princess.
“Hindi sinabi Ate. Pero ang narinig ko, nasa likod daw iyon ng hideout o kasa. Malapit din daw sa isang bus station ang store.’’
“Madali na nating makikita ang store, Princess. Ang mahalaga, mayroon na tayong lead. Aalamin natin kung anong store ang lihim na pinagdadaanan ni Chester para matakasan ang awtoridad.’’
“Sige Jo. Malakas ang kutob ko, malulutas natin ang kasong ito at maililigtas ang mga dalagita. Maipakukulong natin si Chester at matatapos na ang kabuhungan niya.’’
“Bukas ng umaga, simulan na natin ang paghahanap sa store sa Bustillos. Kapag nakita natin, madali na nating mapapasok ang kasa ni Chester.’’
“Okey Jo.’’
Nagsalita naman si Precious. May pag-aalala sa boses nito. “Ate, Mang Jo, mag-ingat kayo. Kasi wala pa raw nakakapasok sa casa ni Chester na nabuhay. Nilusob na raw iyon ng NBI at MPD pero walang nangyari. Marami raw namatay sa mga pulis at hindi na narekober ang bangkay. Sabi pa, takot na raw ang mga pulis na pasukin ang bahay.’’
“Hindi ako naniniwala, siguro kaya ayaw pasukin ay dahil pinuprotektahan nila ang sindikato,” sabi ni Princess.
“Natatakot ako sa maaaring mangyari sa inyo, Ate.”
“Mag-iingat kami, Precious. Kailangang kumilos kami para mailigtas ang mga dalagita. Kawawa sila kapag walang naglakas ng loob na pasukin ang kasa.’’
KINABUKASAN, tinungo nina Jo at Princess ang Bustillos. Nasa likod daw ng kasa ang sinasabing store na nagsisilbing lagusan sa pagtakas.
Ilang convenient store ang nakita nila sa likod mismo ng kasa. Pero nang pasukin nila isa-isa, walang palatandaan doon na may sekretong lagusan.
Hanggang sa mapagtuunan nila ang isang store sa di kalayuan. Halos hindi mapapansin sapagkat ang katabi ay isang abandonadong gusali. Ang nakatawag ng pansin ay ang pangalan ng convenient store: MARC CHESTER.
“Yan na ang hinahanap natin, Princess!”
(Itutuloy)
- Latest