EDITORYAL - Kailan makakamit ang hustisya?

SA Linggo ay gugunitain ang ika-5 taon ng karumal-dumal na Maguindanao massacre. Nobyembre 23, 2009 nang maganap ang itinu­turing na pinakaraming namatay na may kaugnayan sa election. Pinagbabaril ang 58 katao, 32 rito ay mga mamamahayag habang patungo sa bayan ng Ampatuan, Maguindanao. Sinamahan ng mga mamamahayag ang convoy na binubuo ng asawa, ka­anak at supports ng kandidatong si Ismael Mangu­dadatu para mag-file ng kandidatura subalit pagsapit sa Shariff Aguak, hinarang sila ng may 100 armadong kalalakihan at walang awang pinagbabaril. Matapos matiyak na patay na lahat ang nasa convoy, inilibing ito sa nakahandang malalim na hukay. Nasa site pa ang backhoe na ginamit sa paghuhukay. Ginagamit na ebidensiya ang backhoe na umano’y pag-aari ng Ampatuan family.

Sinampahan ng kaso ang Ampatuan clan (nasa 15 sila) at 182 iba pa dahil sa pagpatay. Kasa­lukuyan silang nakakulong at dinidinig ang kaso.

Kung kailan matatapos ang kaso at matitikman ng mga naulila ang hustisya, ito ang malaking katanungan sa kasalukuyan. Marami sa mga kaanak ng biktima ang nawawalan ng pag-asa na makakamtan ang hustisya. Ayon sa mga legal expert, aabutin nang mahabang panahon bago magkaroon ng desisyon ang kaso. Maraming taon pa umano ang bibilangin bago ganap na makita ang liwanag sa kasong ito.

Nirereklamo ang usad pagong na pagdinig sa kaso. May nag-aakusang “nababayaran” daw ang prosecutors. Nirereklamo rin ang pagbabawal sa mga mamamahayag na masaksihan ang paglilitis.

At ang isang pangamba ng mga naulila, unti-unting­ pinapatay ang mga testigo sa karumal-dumal na krimen. Noong Martes, pinagbabaril ang dalawang testigo sa Shariff Aguak habang nakasakay sa motorsiklo. Namatay ang isa at malubang nasugatan ang kasama. Ayon sa mga testigo, maaaring kakilala ng mga biktima ang nang-ambus.

Unti-unting inuubos ang mga testigo sa karumal-dumal na krimen. Sino pang titestigo kapag naubos na sila? Wala na. Kailan makakamit ang hustisya sa krimeng ito?

 

 

Show comments