Manong Wen (118)
“KAPAG daw may natipuhan si Chester sa mga kinidnap na dalagita, ginagawa nitong asawa,” pagkukuwento pa ni Precious. Masigla na si Precious sa pagsasalaysay hindi tulad noon na nagka-shock o na-trauma. Ngayon ay gusto nang isiwalat lahat at detalyado ang mga nangyari nang tangayin siya ng dalawang kidnappers.
“Narinig kong usapan ng dalawang kidnappers, pawang makikinis at magaganda lamang ang kinikidnap nila. Nagagalit daw si Chester kapag pangit ang nakikidnap. Minsan daw, may kinidnap na dalagita ang isa nilang kagrupo pero hindi nagustuhan ni Chester. Pinapatay daw ni Chester ang mga kidnaper. Ipinasemento nang buhay sa loob ng drum at saka inihulog sa laot.’’
“Ang lupit pala ng hayop na ‘yun!” sabi ni Princess.
“Ano pa ang narinig mo, Precious?”
“Mahirap daw pasukin ang bahay sa Bustillos sapagkat may CCTV at maraming guwardiya na pawang nakasumbrero ala Palos. Narinig ko rin na mayroon daw sekretong lagusan sa likod ang bahay. Doon daw dadaan si Chester kapag sinalalakay. Pero gaya ng sabi ng mga kumidnap sa akin, mahirap pasukin ang bahay. Sobrang dami raw ng mga bantay.’’
“Gaano raw karami ang mga dalagita sa bahay na kasalukuyang hawak ni Chester?”
“Hindi nasabi pero marami raw at nakatakdang ipagbili sa mga Chinese at Japanese.’’
“Kailangan palang kumilos na tayo, Jo. Pasukin na natin ang bahay,” sabi ni Princess.
“Pag-aralan muna natin kung saan tayo dadaan. Delikadong mapatay tayo kapag hindi natin pinag-aralan ang lahat. Gagawa ako ng plano.’’
“Sige Jo. Susunod ako sa anumang gusto mo.”
Nang biglang kublitin ni Precious ang kapatid.
“Ate, nasabi nga pala ng isang kidnaper, ang lihim na lagusan palabas sa bahay ay humahantong sa isang malaking convenient store. Doon daw dadaan ang tatakas kapag sinalakay ang sindikato.’’
“Mabuti pa, Princess, alamin natin kung anong grocery o convenient store iyon.’’
“Oo nga. Tama ka, Jo!”
(Itutuloy)
- Latest