SARADO ang mga pinto…sa bawat paalam niya paasik na “Hindi! sipain kita diyan!” ang umano’y sagot nito sa kanya.
“Hoy bata! Lumayas ka dito! Bilang na mga araw mo!” bulyaw pa umano sa kanyang walong taong gulang na anak.
Mula sa magandang samahan ay nauwi sa kasuhan ang relasyon ng empleyado sa kanyang amo. Setyembre ng taong 2011 nang magsimulang magtrabaho sa Fit to Measure Fashion Garments si Ma. Dolores Paglinawan-36. Kwento niya nagsimula siya bilang mananahi makalipas ang isang buwan nalaman ng kanyang amo na si Karen Tolentino o mas kilala bilang Julia na dati siyang ‘master cutter’ kaya inilagay na siya sa posisyong yun. Mga uniporme sa marathon ang tinatahi nila. Nung una kinakaya pa ni Dolores ang mahabaang trabaho ngunit nitong huli ay umiinda na siya. “Nung dumating ang kapatid ng amo namin na si Homer dun na nagsimula ang problema,” salaysay ni Dolores. Mayabang daw ito at pakialamero. May panahon pa daw na naglalabas ito ng mga damit na hindi umano alam ng kapatid. Bawat kaibigan din daw nitong pumasok sa patahian ay binibigyan nito ng damit. Sa tuwing sisitahin daw ito ni Julia ay itinatanggi nito ang ginagawang pagpuslit. Silang mga nagtatrabaho dun ang nasisisi.
“Bahay lang ang patahian. Stay-in ako kasama ng ilan ko pang katrabaho. Kasama ko din ang anak ko,” wika ni Dolores. Maging ang kanyang anak daw ay minumura umano at tinatakot nito. Marso taong 2014 nang una umano siyang magpaalam ngunit nadaan siya sa pakiusap ng kinakasama ni Julia. Hindi daw alam ng amo niyang lalaki ang kalokohan ni Homer. Maliban sa nahihirapan siyang makisama kay Homer ay bugbog din daw sila sa trabaho. Halos dalawa hanggang tatlong oras lang ang pahinga. Ika-10 ng Abril 2014 nang ipad-lock ni Homer ang dalawang gate. Kahit saan daw magpunta si Dolores ay may nagbabantay sa kanya. Isang boy at isang kaibigan ni Homer. Hindi umano siya pinapayagang lumabas ng bahay at noong ika-16 ng Abril 2014 sinabihan siya ni Julia, Subukan mo lang tumakas dito may paglalagyan ka. Limang libo lang ulo mo at kayang-kaya kitang ipahanap kahit saan ka magpunta.” Palihim umano siyang nagtetext sa kapatid na si Chita at humingi siya ng tulong para makaalis sa lugar na yun. Ika-17 ng Abril…bandang alas tres ng madaling araw dumating ang kapatid at pinsan ni Dolores kasama ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Inimbitahan ng miyembro ng CIDG si Homer para sa ilang katanungan. Lumuhod-luhod pa daw si Homer at humingi ng tawad sa kanya. Ang ate niya daw ang nag-utos ng lahat. Mahal daw nila ang anak ni Dolores. Nagsampa na ng kasong “Illegal Detention, Grave Coercion at Grave Threats’ si Dolores. Nalaman na lamang nina Dolores na pinakawalan si Homer. Hindi na daw niya naidetalye lahat ng mga nangyari dahil sa puyat at pagod. Ayon sa kontra-salaysay ni Homer dalawang taon niyang nakasama sa patahian si Dolores may masama daw itong ugali, matapang, palamura at palasigaw sa mga katrabaho. Ibinabato din daw ang tela sa mukha ng nagkamaling mananahi. Tinutulungan niya lang daw ang kanyang kapatid. Nang magkaroon ng Inquest Proceedings ay maliwanag na sinabi ni Dolores na hindi siya pinagsabihan ni Julia na ipapasalvage at ayon din sa kanya ay walang pagbabanta sa kanyang buhay. Wala din daw naganap na ‘Serious Illegal Detention’ dahil hindi umalis si Dolores sa utos ng kanyang kapatid na si Chita baka siya’y kasuhan. Bilang taga-pamahala ng patahian lahat ng susi ay nasa pangangalaga ni Dolores at pwede itong umalis anumang oras. Maging si Evelyn Rafael na kasama ni Dolores sa trabaho ay inirereklamo din ang kanyang pinsan na si Julia. “May ipinost siya sa FB niya na magnanakaw daw ako. Wala akong kinukuha sa kanila, bigla na nga lang nila akong pinauwi sa Davao. Nalaman ko lang nung huli na ayaw nila akong tumestigo para kay Dolores,” pahayag ni Evelyn. Bumalik lang daw siya dito sa Maynila upang tulungan sa kaso si Dolores.
BILANG AKSYON nakipag-ugnayan kami sa Mayor ng Cainta na si Mayor Kit Nieto upang ilapit ang problema ni Dolores. Ipinangako niya sa amin na kung sakaling nag-ooperate ang patahian at ito’y nakadeklarang tirahan lamang ay maaari nilang pasarhan ito. Siniguro niya rin sa amin na magpapadala siya ng pulis dun upang tingnan ang lugar. Nang hapon din yun ay nagsadya ang grupo ni Mayor Nieto sa ibinigay naming address. Ang nagbigay ng sertipikasyon na walang ‘Business Permit ang Fit to Measure’ ay nagretiro na daw ilang buwan na ang nakakaraan. Ipinasara ni Mayor Nieto ang patahian.
Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Dolores.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang ‘Serious Illegal Detention’ ay isang mabigat na kaso at walang piyansa. Ang mga elemento nito ay kapag ito ay tumagal ng tatlong araw, may pananakit sa biktima at pagbabanta sa kanyang buhay. Ngayon susuriin ng taga usig kung ganito ba talaga ang nangyari sa ‘yo . Hindi ba’t sinabi rin na ikaw ang may hawak ng susi at malaya kang nakakapagtext sa iyong mga kamag-anak? O baka naman naghihintay lamang sila ng kapalit mo para hindi naman maantala ang kanilang gawain sa kanilang patahian. Ayon kay Dolores may testigo siya na si Evelyn Rafael na magpapatunay na pilit siyang pinipigilan nina Julia at Homer na umalis sa kanilang patahian. Parang nakadoble pasada siya sa bahay na yun na di makaalpas ayon sa kanila. Ang tungkol naman sa kasamahan ni Dolores na si Evelyn kung totoong ang kanyang pinsan ang nag-paskil sa Facebook (FB) ng mga mapanirang salita laban sa kanya, pinapunta namin siya sa Anti Cybercrime Division ng CIDG para siya’y tulungan. Nagpapasalamat kami kay Mayor Nieto sa mabilis na aksiyon niya sa reklamong ipinarating namin sa kanya. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.