SA mga mahihilig maghanap ng murang panregalo ngayong kapaskuhan, para sa inyo ang All Points Bulletin na ito.
Mag-ingat sa mga dorobo’t manggagantso na mag-aalok sa inyo ng kung ano-anong produkto. Baka kasi madala kayo sa kanilang mga boladas at panloloko.
Mapasubo sa mga transaksyon na panghihinayangan at pagsisisihan ninyo. Dahil sa bandang huli, ang akala ninyong bagsak-presyo, orihinal at totoong produkto, kayo pala ang dehado.
Tulad nalang ng dalawang ginang na lumapit sa BITAG T3. Sa pag-aasam at pag-aakalang makakamura sa mga inaalok na produkto, ayun nasalisihan tuloy ng talpulanang dorobo.
Ayon sa biktimang si Leah, lumapit sa kaniya ang suspek na si Melanie Pepito. Nag-alok ng mga gadget, designer bag at iba pang mga produkto sa murang halaga.
Ang pakilala ng putok sa buho, may koneksyon at kakilala daw siya sa Bureau of Customs (BOC). Naipupuslit nila ang mga produkto kung kaya mura lang nila itong ibinibenta sa publiko.
Sa bentaheng ito, mabilis na napaniwala at nakumbinsi ng suspek ang biktima. Agad nagbigay si Leah ng P180,000 sa pag-aakalang makakalamang siya sa presyuhan.
Subalit, ang kinatapusan ng kwento, ni isang produkto, walang naibigay ang suspek. Hindi na rin mahagilap pati ang kaniyang numero sa telepono.
Ganito rin ang sinapit ni Tina. Isang negosyante na biktima rin ng babaeng kawatan. Gamit ang parehong boladas, estilo at estratehiya, nakuhanan siya ng P130,000. Lingid sa kaniyang kaalaman, pang-ilan na pala siya sa mga nabiktima ni Melanie.
Kaya sa mga mahihilig bumili ng maramihan at sa mga nag-aangkat na negosyante, mag-ingat sa inyong mga ka-transaksyon.
Mabuting tiyakin at kilalanin muna ninyo ang kausap lalo na kung kayo ay magbibitaw ng pera. Dahil ang mga dorobo’t kawatan, laging sumasabay kung ano ang napapanahon at uso. Kapag nakahanap na ng tyempo, agad nang aatake para makapanloko.
Nasa amin ang babala, nasa inyo ang pag-iingat.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.