HINDI pa lubusang nawawasak ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang sindikato ng illegal drugs sa bansa. Sa kabila na maraming nakumpiskang illegal na droga (particular ang shabu) katiting pa lamang ito sapagkat sa kasalukuyan, parami nang parami ang shabu ‘tiangge’ sa maraming sulok ng Metro Manila. Sa shabu ‘tiangge’ puwede nang makabili ng tingi-tingi na droga at doon na mismo ito “babatakin”. Mayroon na umanong “batakan” sa tianggehan para solb na solb ang parukyano. Wala nang alisan pa sa puwesto.
Noong nakaraang linggo, sinalakay ng may 200 armadong pulis ang anim na bahay sa Bgy. Pinagbuhatan, Pasig City at inaresto ang 16 katao na nagbebenta ng shabu. Hinalughog ang mga bahay at nakakumpiska nang ilang gramo ng shabu, drug paraphernalia at mga baril. Tinitingnan ng PNP kung ang shabu “tiangge” ay konektado sa isang bigtime drug trafficker noong 2006 na nadakip at nakakulong na ngayon. Malaki ang paniniwala ng PNP na mga tauhan ng convicted drug trafficker ang nagmi-maintain ng shabu “tiangge’’ sa Pinagbuhatan. Ipinagpapatuloy ang sinimulang shabu “tiangge” at maaaring lampasan pa ang nagawa ng kanilang “lord”.
Paigtingin pa ng PNP at PDEA ang pagwasak sa mga shabu “tiangge”. Kawawa ang sinumang magiging sugapa sa shabu. Wasak ang kinabukasan. Wasak ang pamilya. Karumal-dumal ang ginagawa ng sinumang sugapa sa shabu. Pinapatay ang sariling asawa, anak at sinumang makita.
Paigtingin pa ang kampanya sa paglipol sa mga salot na nagpapakalat ng illegal na droga!