DAPAT patawan ng kaukulang aksiyon si Acting Health secretary Janette Garin dahil sa ginawa nitong paglabag sa protocol sa 21 araw na quarantine para sa peacekeepers na nangggaling sa Liberia kaugnay ng kaso ng Ebola.
Responsibilidad ni Garin ang pagtungo nito kasama si AFP chief of staff General Gregorio Catapang sa Caballo Island na kinaroroonan ng mahigit 100 sundalo.
Si Garin ay nangunguna upang kumbinsihin ang publiko lalo na ang buong mamamayan sa bansa na seryosohin ang panganib ng Ebola kaya naman lahat ng mga uuwing overseas Filipino workers mula sa Sierra Leone, Liberia at Guinea ay kailangang sumailalim sa quarantine upang matiyak na hindi nahawaan ng sakit.
Pero ang pagbisita ni Garin sa Caballo kasama si Catapang ay mahirap unawain. Dapat tandaan ni Garin ang katagang “leadership by example”.
Batay sa paliwanag ni Garin, nais lang daw niya na patunayan sa publiko na ligtas ang peacekeepers sa Caballo at hindi dapat matakot sa Ebola na pinangangambahang baka makapasok sa bansa. Mababaw ang rason ni Garin. Kung nagtungo siya sa Caballo na nakasuot ng protective gear ay wala sanang problema.
Kung hindi pala delikado, bakit hindi na lang pauwiin ang mga sundalo o kaya ay papuntahin na ang kanilang pamilya sa Caballo. Dapat lang na sumailalim sa 21 araw na quarantine sina Garin, Catapang at mga nakasalamuha nito upang makasiguro na hindi mapapasukan ng Ebola ang bansa.
Dapat ipaliwanag ni Garin ang kanyang motibo o nagkamali siya ng diskarte. Patunay ito na hindi siya maaaring i-permanente sakaling sibakin na ni P-Noy si Sec. Enrique Ona dahil sa anomalya sa pagbili ng vaccine para sa pneumonia.
Walang pinag-iba si Garin kay Dr. Nancy Snyderman, reporter ng NBC na hindi sumunod sa quarantine matapos magtungo at mag-cover sa West Africa na tinamaan ng Ebola. Binabatikos si Snyderman ng mga kapwa Amerikano.
Hindi maiiwasang mapintasan si Garin dahil bilang isang pulitiko ang diskarte niya ay magpapogi sa publiko. Gusto niyang pahupain ang pangamba ng mamamayan sa Ebola pero mali ang kanyang pamamaraan. Hindi makakatulong sa publiko.