“NA-TRAUMA si Precious dahil sa ginawa ng Chester na iyon Jo kaya hindi ako titigil hangga’t hindi siya naigaganti. Kailangang mabulok siya sa bilangguan,’’ sabi ni Princess.
“Natandaan mo ba ang number ng bahay sa Bustillos na pinagtataguan ni Chester?’’
“Oo. Walang number ang bahay pero madaling makita. Malapit lang sa simbahan.”
“Dalawa ang simbahan sa Bustillos. Alin kaya sa dalawa?’’
“Luma raw ang bahay at malapit sa mga nagtitinda ng kandila at mga halamang gamot. Mataas ang pader.’’
“A madali lang hanapin yun. Sige bukas ng umaga, i-surveillance na natin.’’
“Malakas ang kutob ko na marami nang nakidnap ang grupo ni Chester.’’
‘‘Ano ba ang sabi ni Precious? Nagkuwento na ba?’’
“Hindi pa. Na-trauma nga. Pero palagay ko mga ilang araw pa at maaari ko nang piliting magkuwento. Maaa-ring may masabi siya. Maa-ring may narinig siya habang nag-uusap ang dalawang kidnappers na nahuli natin.’’
“Mas mabuti kung mayroon siyang masasabi. Pero habang hinihintay nating magkuwento si Precious, isu-surveillance na natin ang lugar. Kailangang matiyak natin kung doon nga naglulungga si Chester.’’
“Sa palagay mo Jo, kapag natiyak natin na doon na nga ang lungga ni Chester, isuplong na natin sa mga pulis?’’
“Huwag muna. Hindi natin kabisado ang likaw ng bituka ng mga pulis dito sa Maynila. Baka kasabwat sila ng sindikato. Malay mo ang mapagsumbungan natin ay protector pala.’’
“Ikaw ang bahala, Jo.’’
“Maghanda ka at bukas, magmamanman na tayo sa lugar.’’
“Anong isusuot natin para hindi tayo makilala?’’
“Simple lang. Para bang naglalakad lang tayo sa lugar. Hindi tayo dapat magpahalata.’’
‘‘Okey Jo. Ikaw ang bahala. Saludo ako sa’yo.’’
KINABUKASAN, maagang umalis sina Jo at Princess. Nagtungo sila sa Bustillos.
Nakita agad nila ang target na bahay. Malapit nga sa simbahan. Mataas ang pader.
“Iyan nga ang bahay Jo.’’
“Luma na pala.’’
Isang lalaki ang nakita nilang lumabas mula sa gate. (Itutuloy)