ISANG halaman sa Uni-ted Kingdom ang nadebelop ng isang kompanya. Kakaiba ang halaman sapagkat namumunga ito ng kamatis at patatas.
Tinawag na ‘tomtato’ na hango sa pinaghalong tomato at potato, ang halaman ay denebelop ng Thompson & Morgan, isang kompanya sa UK na dalubhasa sa pagpapatubo ng iba’t ibang klase ng tanim.
Ayon sa kompanya, hindi sila ang unang nakagawa ng isang halaman na namumunga ng kamatis at patatas pero sila ang kauna-unahang kompanya na nagawang makapagpatubo nang marami nito. Dahil dito, sila rin ang kauna-unahang kompanya na makakapagbenta nang maraming tanim nito sa mga mamimili.
Ang unang nakaisip sa kompanya na magpatubo ng ‘tomtato’ ay si Paul Hansord. Pumasok sa isip niya ang ideya 15 taon na ang nakakalipas nang may magbiro sa kanya sa pamamagitan ng paglalagay ng patatas sa ilalim ng isang tanim ng kamatis. Natawa siya sa ideya noong una ngunit naisip niyang posible na paghaluin ang dalawang tanim dahil pareho silang kasapi sa isang pamilya ng mga halaman.
Matapos ang lampas isang dekada ng pagsasaliksik ay nagawa ni Paul at ng kanyang kompanya na makapagpatubo ng isang halamang namumunga ng patatas at kamatis. Nagawa nila ito sa pamamagitan ng grafting na ginagawa sa pamamagitan ng pagdudugtong ng sanga ng dalawang magkaibang klase ng halaman.
Ipinagbebenta na ang ‘tomtato’ sa UK sa halagang £14.99 (mahigit P1,000). Dahil ang ‘tomtato’ ay dalawang halaman na pinaghalo sa isa, inaasahang magiging mabenta ito para sa mga mahilig magtanim.