Ingatan ang mga mata

NOONG nakaraang buwan, bumisita ako sa aking Opthalmologist dahil sa panlalabo ng mata. Kapag gabi at nagmamaneho ay mga ilaw ng kotse na lamang ang nakikita ko. Ni hindi ko na nababasa ang mga plate numbers. Noong nanganak ako, nadiagnose akong may myopia o nearsightedness. Sinubukan kong hindi isuot ang aking salamin sa pag-aakalang mati-train ko ang aking mata at maibabalik ito sa dati niyang kondisyon. Iyon pala ay lalo lamang lumala. Dahil bukod sa tumaas ang grado kong dati ay 100-100 lang, ngayon ay 175-200 na at may astigmatism pa ang isa.

Kaya paalala ko sa inyo na huwag pababayaan ang mga mata.

Ipa-check ang mga ito tuwing ikalawang taon lalo na kung may diabetes o hypertension para malunasan at maiwasan ang komplikasyon.

Kumain ng carrots, spinach, broccoli at iba pang berdeng gulay. Pati mga pagkaing mayaman sa omega-3 tulad ng sardines at salmon.

Uminom nang maraming tubig.

Matulog nang sapat. Nakakatuyo ng mata ang pagpupuyat. Mas madaling tatanda ang mga mata kapag kulang sa tulog.

Mainam sa mga mata ang pag-eehersisyo dahil napapraktis ang eye muscles.

Maganda para sa mga mata na laging nakakakita ng kulay berde gaya ng mga puno, dahon, damo at iba pa.

Mag-shades upang maprotektahan ang mga mata sa UV rays. Magsuot din ng sumbrero.

Kung nangangati ang mga mata kapag nasa kuwartong airconditioned, ibig sabihin ay sensitibo ang mata sa mga lugar na mababa ang humidity. Lagyan ng eye lubricants, tulad ng eye drops.

Ang mga mata ay sinisira ng paninigarilyo. Kapag nagyoyosi naaapektuhan ang mga tissue ng mata at mas mataas ang risk na magkaroon ng katarata.

Kung laging nasa harap ng computer, mag-break every 40 minutes. Ipikit at ipahinga ang mga mata kahit saglit.

Huwag magbabasa sa mga lugar na madilim o kulang ang ilaw. Madaling mapagod ang mga mata sa ganitong sitwasyon, kaya mas mabilis tatanda ang mga mata.

Kapag napuwing o napasukan ng ano mang bagay ang mata, huwag  kakamutin dahil lalo lamang itong mada-damage. Padaanan ang mga mata ng running water hanggang anurin ang bagay.

Huwag magsi-share ng eye products tulad ng eye drops, mascara, eye liner at iba pa dahil baka may bacteria at germs iyon at magkaroon ka ng eye infection!

Ingatan ang paningin! Huwag balewalain!

Show comments