NAWALAN ng trabaho ang Amerikanong si Andrew Iwanicki noong nakaraang Agosto at inaasahan niyang hihiga siya buong araw hangga’t hindi pa nakakahanap ng bagong mapapasukan. Kaya hindi siya makapaniwala nang malaman niyang paghiga pa rin sa buong araw ang gagawin nang matanggap sa bagong trabaho.
Napili kasi si Andrew ng NASA bilang bahagi ng isang pagsasaliksik. Layon ng pag-aaral ng NASA na maunawaan ang epekto ng pamamalagi sa kalawakan sa ating mga buto at kalamnan. Para makamit ito, kinakailangang pahigain ng NASA si Andrew ng 70 araw dahil malapit ang epekto ng paghiga at ng kawalan ng gravity sa katawan ng tao.
Kahit na simpleng paghiga lang ang kanyang tungkulin ay hindi pa rin ito madali ayon kay Andrew. Hindi kasi siya puwedeng tumayo kaya may mga bagay na katulad ng paliligo at pagdumi na kailangan niyang gawin habang siya ay nakahiga. Sa kabila nito, nagawa rin ni Andrew na sanayin ang sarili sa kanyang maghapong pagkakahiga. Pinalilipas na lamang niya ang oras sa pamamagitan ng panonood ng telebisyon at pagbabasa ng libro.
Para sa kanyang 70 araw na paghiga ay tatanggap si Andrew ng $18,000 (katumbas ito nang mahigit P800,000).