IBABAHAGI ko sa inyo ang mga sikat na pagkain sa aking probinsiya — ang Quezon.
Lucban longganisa – ito ay may maliit, mahaba at mataba. Nabibili ito ng kada taling dosena at nakasabit sa isang kawayan. Sa Eker & El kami namili. Kakaiba ang longganisa nila roon dahil sa dami ng bawang na ginamit at sa sukang tuba na sawsawan.
Pinais – Ulam na gawa mula sa ginadgad na gata, apta at dahon ng kamamba na binalot sa dahon ng saging. Matamis at smokey ang flavor nito dahil sa pinausukang dahon. Halos hindi na nga kailangan ng kanin dahil ang texture ng gata sa dila ay parang butil ng kanin.
Sinugno – Sinunog o inihaw na tilapia sa gata at inibabawan ng mustasa. Mapakla-paklang lasa ng isda, matamis na gata at may konting pakla ng mustasa.
Pansit habhab – kilala dahil sa paraan ng pagkain nito. May sahog na gulay, itlog ng pugo at chorizo, na lalong pinasasarap ng suka.
Pansit chami – pansit na may miki noodles, karne, gulay at masabaw. Manamis-namis at paparisan naman ng kalamansi para lalong lumabas ang asim.
Tamales – ang Tamales Quezon ay gawa sa giniling na bigas na hinugis ng parisukat at inibabawan ng karne at nilagang itlog. Nakabalot sa dahon ng saging.
Sinantol – Ang lola ko ay mahilig magluto ng maaanghang na ginataang santol na may manok at hipon. Ang sarap ng anghang at asim ng ulam na ito. Pero ang ginawa ni Chef Boy sa Quezon ay parang sauce na ang santol, pinong-pino at maanghang.
Minanok – Ito ang isa sa tatlong sabaw na inihanda ni Chef Boy. Ang una kong tanong ay bakit minanok ang pangalan gayong wala namang manok at sa halip beef ribs pa ang laman. Dahil lasa itong tinolang manok!
Huwag palalampasin ang 2-parts special ng Idol Sa Kusina Sa Quezon sa November 16 at 23, 7:15 p.m. sa GMA News TV!