Marriage Proposal
PINAY nurse si Ayen na first time magtrabaho bilang nurse sa retirement home sa Hampshire, England. Sampung taon siyang nagtrabaho sa ospital kaya bagong karanasan ang mangalaga sa matatanda. In fact, naaaliw siya sa matatandang pinagsisilbihan niya.
Isang araw, napakinggan ni Ayen ang pag-uusap ng isang matandang lalaki at matandang babae sa reception area.
“Sa una pa lang pagkikita ay nagustuhan na kita. Will you marry me?” tanong ng lalaki.
Nag-isip ng ilang segundo ang babae. Maya-maya ay ngumiti at nagsalita, “Yes… Yes I will.”
Naputol ang pag-uusap ng dalawa dahil tinawag ang babae ng isang nurse dahil oras na ng pag-inom nito ng gamot. Inalalayan naman ni Ayen ang lalaki patungo sa kuwarto nito dahil kailangang palitan ang bandage ng sugat nito sa braso. Habang pinapalitan ang bandage, tinanong siya ng matanda, “Yes ba or No ang sagot ng babaeng kausap ko kanina. Nakalimutan ko ang isinagot niya.”
“Gusto mo, hanapin natin siya at tanungin ulit kung payag ba siyang magpakasal sa iyo o hindi.”
Nakailang ikot sila bago matagpuan ang babaeng inalok ng kasal. Nakikipagkuwentuhan ito sa isang nurse. Nakangiti ang babae pagkakita sa lalaki. “Ikaw na naman?”
“Oo, gusto ulit kitang makausap dahil nakalimutan ko kung yes or no ang sagot mo sa aking tanong na will you marry me?”
Parang sweet 18 na kinilig si Lola at saka nagsalita, “Yes ang isinagot ko sa iyo, pero hindi ko na maalaala ang pangalan mo.”
“I’m John and you are…?”
“Mary”
“Sabay na tayong mag-snack.”
Magka-holding hands na naglakad ang dalawa patungo sa dining area. Ang kasamang nurse ang nagsalita, “Hay ang dalawang ‘yan, araw-araw nagpapakilala at nagpo-propose sa isa’t isa. Nakalimutan nilang mag-asawa sila.”
Nakalimutan ng kanilang utak na mag-asawa sila ngunit hindi nakakalimot ang puso dahil sa kabila ng dementia, si Mary pa rin ang itinitibok ng puso ni John.
- Latest