NOONG nakaraang linggo, nagtaping ang Idol Sa Kusina sa aking probinsiya — ang Quezon. Mapapanood ninyo ang dalawang espesyal na episodes namin sa ikatlo at ikaapat na Linggo ng Nobyembre.
Una naming tinungo ang bayan ng Tayabas. Doon kami nag-agahan ng sikat na pandesal na Papay’s na masustansiya dahil sa spinach at malunggay. Sunod ay pinuntahan namin ang Capistrano Distillery na kilala sa purong lambanog nila na 80-90 proof. Iba’t ibang flavors ang kanilang lambanog — may pinya, bubble gum at liputi. Swabe ang sarap.
Habang paalis kami sa distillery, nakasalubong namin ang naglalako ng ube hopia at pilipit na paborito ko. Mainit at bagong luto! Anim na piso bawat isa.
Sunod naming tinungo ang Calle Budin, isang kalsadang puro budin o cassava cake at nilupak. Napakasosyal ng nilupak doon. Nakabalot sa plastic at papel at nakakahon! Ang bawat isang budin ay nagkakahalaga ng P25.00.
Tumungo rin kami sa bakery ng yema cake ng Quezon — ang Rodillas. Napakabait ng may-ari na si Ms. Juliet. Napaka-humble niya sa kabila ng tagumpay sa negosyo. Noong 2007 daw sila nagsimulang magbenta pero nitong 2010-2011 lamang pumutok at naging kilala ang yema cake nila. Last year, naglabas sila ng panibagong flavor — ang caramel cake. Napakasarap! Sa kanilang pagsisikap at kasipagang mag-asawa, nakapagpatayo sila ng dalawang bahay.
Hindi kumpleto ang aming pagbisita sa Quezon kung hindi kakain ng pansit habhab na sampung piso kada order. Nakalagay ito sa dahon ng saging at diyaryo at doon hahabhabin.
Para naman sa resturant style, nagtungo kami sa Buddy’s para sa pansit habhab at pansit chami. Pagkasarap-sarap ng mga pansit!
Siyempre ang masarap ipares sa pansit habhab ay ang pinagong ng Sariaya! Cadiz ang pinakamasarap sa lahat ng natikman ko. Buung-buo, mabigat, malutong sa labas pero malambot at maligat sa loob. Lasang lasa ang gatas!
Abangan ang mga pasalubong na ito sa Idol Sa Kusina!