Solo parenting (2)

CHOOSE good relationships. Hindi kailangang mag-isa. Mayroong support group sa lipunan at simbahan.

Maghanap ng mga mabuti at maka-Diyos na mentors at role models. Mga taong lalapitan at tutularan sa kanilang mahusay na pamumuhay.

Iwasan ang mainggit sa mga may kapareha sa buhay. Maniwala sa mga katotohanang binitiwan ng Diyos na Siya ang magbubukas ng mga pintuan ng oportunidad at ipagkakaloob ang lahat ng pangangailangan. Alam Niya ang lahat ng tungkol sa iyo ngunit mahal ka pa rin Niya.

Hinay-hinay sa romantikong relasyon. Kapag binuksan mo na ang puso mong magmahal ulit ay binubuksan mo rin ang posibilidad na may masaktan at hindi lamang ikaw dahil may anak ka rin.

Maging intensiyunal sa lahat ng nais mong gawin. Ang misyon mo ay kapareho ng misyon ng mga mag-asawang may anak na magpalaki ng mabubuting tao. Hindi ka mababa sa iba kahit walang kapareha. Laging magdasal kung papaano dapat palakihin ang anak. Magkaroon ng layunin na pagtatrabahuhan mo. Ang pagkakaroon ng direksyon ang tutukoy sa iyong destinasyon, hindi ang intensiyon. Marahil ay marami kang hangarin. Pero kung wala ka namang ginagawa, wala ring mangyayari.

Matutong mag-structure at mag-schedule ng tama kung saan may oportunidad din para magkasama ng anak. Kung kayang bitbitin ang anak sa mga lakad, gawin ito. Isali sila sa pagpapasya at tanungin ang kanilang opinyon. Iparamdam sa kanila ang pagmamahal. Minsan hindi natin alam na baka iyon na ang huling sandaling makakapiling natin sila.

Huwag i-spoil ang anak. Huwag daanin sa materyal na bagay ang pagbawi sa kakulangan sa oras. Kahit pa close kayo, dapat ay malinaw ang hangganan ng pagiging magbarkada.  Dapat malinaw na ikaw pa rin bilang magulang ay dapat ginagalang at may huling pasya.

Sa pagiging solong magulang, maging masaya, maging totoo pero lagyan ng limitasyon. Maging consistent sa pagdidisplina. Kahit minsan ay labag sa iyong kalooban. Ang mali ay mali at ito ay dapat na ipaalam upang maitama. Huwag manakot. Huwag magbitiw ng empty threats. Huwag manindak. Kapag sinabi mo, siguruhing gagawin mo.

Naiyak ako nang marinig ang testimonya ng bunsong anak ni Ms. Bonnie na si Amanda, na kapangalan pa ni Gummy. Ang kanyang ina ang kanyang Nanay, at ang Diyos Ama ang kanyang Tatay. Tama pala ang sinabi ko noon kay Gummy nang itanong kung sino ang ama niya at ang nasabi ko, “si Papa God”. Kasi Siya nga talaga ang ama niya, at ama ko rin. Hindi ko kailangang ma-pressure na gampanan ang dalawang papel. Dahil alam kong hindi kami pababayaan ng Diyos, ako ay mananatiling Ina lamang at hahayaan kong ang Diyos ang tumayong Ama.

Show comments