Talagang nakakaalarma ang bulto-bultong shabu na aabot sa halagang P3-bilyon na nasamsam ng mga ahente ng NBI sa isang shabu lab sa Camiling, Tarlac.
Sino nga ba ang mag-aakala na sangkaterba palang mga ilegal na droga ang ginagawa sa dating gusali ng isang kooperatiba.
Anim na Chinese ang sinasabing nasakote sa ginawang raid.
Bukod sa mga gawa nang shabu, nasamsam din dito ang mga kemikal sa paggawa nito, malalaking makina at iba pang kagamitan.
Dahil sa mga modernong gamit na nakumpiska, naniniwala ang mga awtoridad na mabilisan at maramihan ang mga nagagawang droga sa naturang laboratoryo .
Sa dami ng nasamsam, posibleng madali itong naipapakalat ng mga sangkot dito ang ilegal na droga.
Mukhang dito na ginagawa ang droga at ang iba sa mga finished product ay idinideliber sa kanilang mga kliyente sa loob at labas ng Pinas.
Maaaring dahil sa paghihigpit sa karatig bansa, dito nagawa ng mga sindikato nito na maglungga at maghasik ng lagim.
Posibleng matagal nang nag-ooperate ang laboratoryo na ito . Ilang dami na kaya ng droga ang produce dito, ilan na rin ang naikalat sa kung saan-saan?
Ang tanong nga rito, paanong naipapasok ang ganitong mga gamit sa target nila na hindi natutunugan?
Alarming ang ganitong pangyayari, tila lumalabas na sa bansa nagiging sentro ng operasyon ng sindikato.
Gaya nga nang matagal na nating nababanggit kailangan ang matinding monitoring hindi lang ng mga awtoridad kundi maging ng mga opisyal sa barangay.
Sa barangay level kasi, na dito maliit na lugar pa lamang ang saklaw kadalasang magkakakilala ang lahat.
Kung may bagong mukha na papasok, ang barangay ang siyang makakaalam.
Hindi lang ito sa operasyon ng ilegal na droga kundi maging sa iba pang kriminalidad, dapat matindi ang pagbabantay sa barangay pa lamang.