“HINDI ko na po matatagalan ang pakikisama sa aking mister,” hinaing ng babae sa kanyang marriage counsellor. “Kahit kailan ay hindi niya naipadama sa akin ang kahalagahan ko sa kanya bilang asawa. Impiyerno ang naging buhay ko sa lalaking iyon! Gusto ko na pong ipawalang bisa ang aming kasal.”
Ang payo ng kanyang counsellor: Huwag mong madaliin ang pakikipaghiwalay. Isang buwan mo siyang lambingin. Ipagluto ng paborito niyang pagkain. Kapag nagsalita siya sa iyo ng hindi maganda, huwag mo siyang papatulan. Maging mabait ka pa rin sa kanya. Lagi mo siyang purihin at pagbigyan sa lahat ng kanyang gusto.
“Hmp! Masaya siya! Iispoylin ko siya pero kahit kailan, di ko naranasang ispoylin niya.”
“’Yun nga ang maganda dun. Pagkaraan mong pagsilbihan siya at ituring na parang hari, bigla kang magpapaalam na hihiwalayan mo na siya. Magiging masakit sa kanya ang paglayo mo. Madadama niya ang kahalagahan mo. Kung basta mo na lang siya lalayasan na wala kang naipakitang maganda, baka magpasalamat pa ang asawa mo na lalayasan mo na siya.”
Sa madaling salita ay sinunod ng babae ang payo. Ginawa nito ang lahat ng kabutihan sa kanyang mister sa loob ng isang buwan. Naging isa siyang napakabuti at mapagpasensiyang misis kahit pa nanggagalaiti minsan ang kanyang kalooban.
Natapos ang isang buwan ngunit hindi na bumalik ang babae sa kanyang marriage counsellor. Kaya’t siya na mismo ang bumisita sa bahay ng babae.
“Kumusta na? Kailan kita sasamahang mag-file ng annulment? May abogada akong irerekomenda sa iyo.”
“Nakoww, ‘wag na mam. We are very happy now. ‘Yung mga kaplastikan kong bait-baitan sa aking mister, naging totohanan na. Habang tumatagal, sinusuklian din kasi niya ng kabutihan ang mga ginagawa ko sa kanya. Bigla naming na-realize, in love pa rin kami sa isa’t isa.”