MARAMING natutuklasang anomalya sa kasalukuyan at lahat ay kaugnayan sa pera. Hindi kakaunti ang sangkot na pera kundi limpak-limpak na umaabot sa bilyong piso. Lahat nang mga iniimbestigahang anomalya ngayon, mapa-Senado o mapa-Ombudsman ay pawang pera ang ugat. Napakamakapangyarihan ng pera na kayang yanigin ang sambayanan.
Habang ang Senado ay nag-iimbestiga sa overpriced na Makati Parking Building at sa umano’y hasyenda ni Vice President Jejomar Binay at ang Ombudsman ay sa bilyones ni pork barrel queen Janet Napoles at sa umano’y overpriced na Iloilo Convention Center kung saan kinasuhan si Senate President Franklin Drilon, pera rin ang isyu sa 30 government-owned and controlled corporations (GOCCs) dahil sa hindi awtorisadong pamumudmod ng mga benepisyo na nagkakahalaga ng P1.6 billion.
Inatasan ng Commission on Audit (COA) ang 30 GOCCs na ibalik sa national treasury ang bilyones na unlawfully ay ipinamahagi sa kanilang mga opisyales at empleado. Ayon sa COA, kabilang sa GOCCs na namahagi ng bonus at retirement benefits ay ang Housing agency na pinamumunuan ni Binay. Ayon sa COA, namahagi ang Home Development Mutual Fund (HDMF) ng P130,375 million sa kanilang mga empleado bilang allowances, bonus, benefits, incentives sa kabila na walang legal basis. Ayon sa COA, dapat isauli ito ng HDMF.
Wala rin daw approval ng Presidente ang pagbibigay ng retirement benefits ng GOCCs sa kanilang mga tauhan.
Ilan pa sa mga GOCCs na inaatasang ibalik sa treasury ang pinamahaging pera ay ang Local Water Utilities Administration, Duty Free Philippines, National Housing Authority, Overseas Workers and Welfare Administration at marami pa.
Dapat lamang ibalik ang pera na hindi naman awtorisadong ipamudmod. Malinaw na pagsasamantala ito. Maaaring noon pa ginagawa ang ganito at ngayon lamang nabulatlat ng COA. Noon pa, pinagsasamantalahan na ng GOCCs ang pamahalaan. Ibalik ang pera sa lalong madaling panahon.