ISANG manggagantso sa United Kingdom ang nagkunwaring comatose upang makaiwas sa ipapataw na parusa kaugnay sa panlolokong ginawa niya sa kapitbahay. Dinemanda siya ng kapitbahay.
Niloko ni Alan Knight ang kanyang matandang kapitbahay na may Alzheimer’s disease at ninakawan ng 40,000 British pounds. Sinampahan siya ng reklamo matapos matuklasan ang krimen na kanyang ginawa.
Ngunit naudlot ang paglilitis kay Alan nang ipaalam ng kanyang asawa sa korte ang malubhang kalagayan nito. Comatose daw ito. Paralisado ang mga braso at binti.
Umabot ng dalawang taon ang pagkukunwari ni Alan bago siya nahuli. Nabisto ang kanyang pagpapanggap nang makunan ng CCTV sa ospital kung saan siya naka-confine. Nakita siya ng mga doctor na nagsusulat. Nakita rin siya ng mga pulis sa CCTV ng isang supermarket na naglalakad ng normal na parang walang kapansanan.
Matapos mabisto, binalaan si Alan na matutuloy na ang paglilitis sa kanya pumunta man siya o hindi sa korte kaya naman napilitan na siyang magpakita. Umamin siya sa mga panlolokong ginawa kasama na ang pagpapanggap na siya ay comatose at may kapansanan.
Wala pang hatol sa kaso ni Alan ngunit inaasahang sesentensiyahan siya sa lalong madaling panahon.