Binay, dapat nang kumalas sa Gabinete

LALONG lumalakas ang tensiyon sa pulitika matapos ang deretsahang pahayag ni President Noynoy aquino na malayang makakaalis sa Gabinete si Vice President Jejomar Binay kung hindi ito kuntento sa direksiyon ng administrasyon partikular sa tuwid na daan.

Hindi naman masisi si P-Noy dahil maaaring ito ay napikon na matapos na batikusin ni Binay ang ibat ibang polisiya o programa ng administrasyon.

Ilan sa mga kinukuwestiyon ni Binay ay ang kontrober­siyal na DAP, ang pag iimbestiga sa PDAF scam pero tatlong senador lamang ang nakasuhan at nakakulong ngayon ang mga kaalyado sa oposisyon na sina senators Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Bong Revilla gayuudin ang  pagtuon ng pansin sa pag-iimbestiga sa alegasyon sa bise presidente.

Paniwala ko ang ikinairita ni P-Noy sa banat ni Binay ay ang paratang nito na mali ang paghawak at tila minamaltrato si dating President Gloria Macapagal-Arroyo.

Dapat ay naging maingat si Binay sa mga batikos nito lalo pa’t siya ay bahagi ng Gabinete.

Kilala si P-Noy na kapag ito ay asar sa isang tao o kasama­hang opisyal sa gobyerno ay hindi nito itinatago at harap-harapan na bumubuwelta.

Sa pahayag ni P-Noy na malayang makakaalis si Binay ay isang malakas na indikasyon ito na dapat ay kumalas na upang hindi maakusahan na namamangka ito sa dalawang ilog dahil habang siya ay nasa Gabinete ay itinuturing ding lider ng oposisyon.

May alegasyon ang ilang kaalyado ni P-Noy sa pangunguna ni Caloocan City Rep. Egay Erice na nangangampanya na lang si Binay at umiikot sa mga lalawigan na gamit ang kanyang posisyon sa Gabinete bilang hepe ng HUDCC at presidential adviser on migrant worker affairs.

Sa pangyayaring  ito ay may mukha pa bang ihaharap si Binay sa presidente at kasamahan sa Gabinete kung magkakaroon ng pagpupulong sa Malacañang.

Ang solusyon dito ay kumalas na sa Gabinete si Binay at magkakaroon na ng kalayaan ng bumatikos sa administrasyon  at panindigan na ang pagiging lider ng oposisyon.

Kung mananatili si Binay sa Gabinete ay dapat  lang na manahimik ito at itigil ang pagbatikos at iwanan na ang pagiging lider ng oposisyon dahil mahirap  pagsamahin ito na parang  tubig at langis.

Show comments