Kahapon muling sumalakay sa lungsod Quezon ang de-sasakyang holdaper kung saan isang 25-anyos na babae ang biniktima nito na hinablutan ng bag.
Nangyari ang insidente sa panulukan lamang ng Samar at Mother Ignacia St., Brgy. Scout Triangle.
Lulan ng isang Toyota Innova na kulay gray ang mga suspect.
Eto pa nakunan ng CCTV ang pangyayari kung saan nakita ang plaka ng ginamit na sasakyan na numerong ‘8’ sa unahan.
Ayon pa sa mga kinauukulan, ito raw ang ikalawang pagkakataon na sumalakay ang naturang sasakyan.
Una itong naiulat noon lamang katapusan ng Oktubre.
Hindi ba’t ang plakang ‘8’ ay iniisyu sa mga kongresista.
Usung-uso na ang mga de-sasakyang kawatan, lalu na nga sa lungsod Quezon.
Madalas ang ganitong pagsalakay sa Scout Area sa lungsod kung hindi kotse, SUV o di kaya ay mga motorsiklo ang gamit ng mga kawatan.
Walang pinipiling oras ang mga ito kahit umaga o katanghaliang tapat.
Sa mga naitalang insidente, madalas ngayon na binibiktima ng mga kawatang ito ay mga babae na inaagawan nila ng bag o gamit.
Hindi nga naman makakapanlaban na ang mga ito, kaya ito ngayon ang kanilang target.
Ito ang dapat na mabantayan ng mga awtoridad.
Hindi titigil ang mga kawatang ito at posibleng mas lalu pa ngang magsunud-sunod ang pagsalakay lalu na nga’t papasok na ang holiday season.
Hindi lang kapulisan ang inaasahan na mag-ooperate sa mga kawatang ito, kundi maging ang mga tauhan ng barangay.
Sanay lalo pang mapag-ibayo ang police visibility sa mga lansangan para na rin sa seguridad ng ating mga kababayan.