ISANG kakaibang klase ng cake ang naimbento sa Japan. Sa halip na arina at icing, tubig ang pangunahing sangkap nito.
Ang bagong imbentong panghimagas, na binansagang mizu cake mula sa Japanese na salita para sa tubig, ay gawa mula sa nagyeyelong tubig na kinuha mula sa mga bulubunduking puno ng niyebe sa gitnang bahagi ng Japan.
Animo’y isang malaking patak ng tubig ang hugis ng mizu cake. Ito’y dahil sa sangkap nitong agar na dahilan upang mamuo ang tubig na parang isang gelatin. Dinagdagan din ito ng iba pang mga sangkap upang maging manamis-namis.
Parang bolang kristal ang mizu cake dahil sa linaw ng tubig na ginamit sa paggawa nito. Dahil gawa sa tubig ay napakadali rin nitong matunaw kaya kailangang maubos ang isang pirasong mizu cake sa loob lamang ng 30 minuto. Pagkalampas kasi ng nasabing oras ay matutunaw na ang cake at magiging parang sabaw na ang itsura nito.
Una ipinagbenta ang mizu cake noong isang taon at ibinalik ito ngayon dahil sa naging mainit na pagtanggap ng mga nakakain nito. Isang kompanya lamang ang gumagawa ng mga mizu cake at mabibili lamang sa dalawang restaurant na matatagpuan sa Yamanashi Prefecture na nasa rehiyon ng Chiba, Japan.