MAY pag-ibig na dadating, aalis at babalik. Ang iba, kahit naputol na naidudugtong pa. May ilan naman na anong higpit mang ibuhol hihiwalay pa rin.
“Unang date namin sa sinehan humingi siya ng halik. Hinalikan ko siya sa pisngi, ang sabi niya, ‘Halik ba yun?’ kaya pinagbigyan ko, naglapat ang mga labi namin,” pag-alala ni John Rey. Sa kakaibang pagkakataon nagkakilala si John Rey Costibolo, 32 anyos at asawang si Catherine Gramonte-Costibolo, 30 taong gulang.
“Pareho kaming nag-donate ng dugo sa tatay ng kaibigan namin. Dun kami unang nagkita,” ani John Rey. Parehong ‘nursing student’ ng Fatima University sa Valenzuela City si John Rey at Catherine. Naging mag-‘text mates’ sila.
“Dalawang araw kami nagligawan kami na agad yun nga lang isang linggo lang naghiwalay naman kami,” sabi ni John Rey. Ayon kay John Rey pinili niya ang pag-aaral kaya’t nakipaghiwalay siya kay Catherine. Nanatili naman silang magkaibigan at magka-text sa loob ng isang taon. Tumigil sa pag-aaral si John Rey at nagsimulang magtrabaho habang nakapagtapos naman sa kolehiyo si Catherine. Nakapasa na rin ito sa licensure examination at nagtrabaho sa Diosdado Macapagal Hospital bilang nars. Isang araw naisip ni John Rey na kamustahin sa text si Catherine. Sa pag-uusap nila, nagkasundo silang magkita sa Jollibee sa Valenzuela.
“Ang ganda mo, mas gumanda ka ngayon…” pagbati ni John Rey.
“Hmmmp! Bolero ka pa rin,” sabi ni Catherine. Mula sa biruan napunta sila sa seryosong usapan. Binalikan nila ang mga date nila noon. “Nung iniwan mo ba ako ‘di mo na ako mahal?” biglang tanong daw ni Catherine. Mabilis ang naging sagot ni John Rey at sinabing gusto niya makapagtapos muna si Catherine. Dagdag pa niya, “Diba sabi ko sa’yo nun liligawan kita ulit.” Parehong walang karelasyon nun ang dalawa kaya nagsimula ng pormahan ni John Rey ang dalaga. Naging sila ulit. Maganda ang naging takbo ng kanilang relasyon. Mag-isa lang si Catherine sa bahay nito sa Maynila kaya malayang nakakapunta at nakakatulog dun si John Rey. Ilang buwan makalipas, nabuntis si Catherine.
“Limang buwan mula nang maging kami, kinasal kami sa Huwes sa Caloocan,” sabi ni John Rey. Maselan ang naging pagbubuntis ni Catherine kaya’t nanatili siya sa bahay. Anim na buwan siyang buntis ng bumalik sa pagtatrabaho. Ayon kay John Rey, ang biyenan niyang babae umano ang nagpabalik kay Catherine sa trabaho. Dahil natagtag umano sa ospital si Catherine, dinugo siya at napaanak ng kulang sa buwan. Isang araw lang niya nakasama ang kanilang anak at namatay ito. Nakaranas sila ng depresyon at nagsimulang magsisihan sa pagkamatay ng kanilang anak.“Pinagtrabaho ko pa raw siya, e biyenan ko naman ang nagsabing bumalik siya sa ospital. May trabaho naman ako nun,” ayon kay John Rey. Aminado si John Rey na unti-unting nasira ang kanilang relasyon hanggang magdesisyon si Catherine na magpunta sa bansang Riyadh para magtrabaho bilang nars sa loob ng dalawang taon. Magkalayo man sila, sinubukan daw nila parehong ayusin ang kanilang relasyon. Nag-uusap pa rin sila sa telepono. Nagpapadala si Catherine ng Php12,000 kay John Rey pambayad ng kanilang inutang para makaalis siya ng bansa. Patuloy naman nagtrabaho si John Rey sa factory. Hindi kaila kay John Rey na madalas siyang magselos habang nasa Riyadh ang asawa. Taong 2012, may pinost na lang umano si Catherine sa kanyang Facebook (FB) Account na nakalagay umanong; “Para sa pinakamamahal kong si Jun Salamat sa pagkaing ibinigay mo!” Agad niyang kinumpronta ang misis, “Sino si Jun!?” tanong nito. Ayon daw kay Catherine, katrabaho niya si Jun. Wala lang daw iyon subalit inamin niyang nililigawan siya nito. Naging dahilan ng pag-aaway nila ang tungkol kay Jun at ang pagbabago umano ng ugali ni Catherine. Nagsimula daw itong manumbat.
“Ang usapan namin susunod ako sa Riyadh pero tatapusin ko ang pag-aaral ko’t tutulungan niya ako pero nung huli bigla na lang niyang sinabing mag-working student ako,” kwento ni John Rey. Tuluyan silang naghiwalay ni Catherine. Nawalan sila ng komunikasyon. Nabalitaan na lang niyang umuwi na ito sa Pilipinas.
“Tinawagan na lang niya ko. Sabi niya, ‘Tapos na tayo!’”, ani John Rey. Nakita na lang umano niya sa facebook account ni Catherine na may anak na umano ito at nakatuluyan niya si Jun na kanyang kinilalang si Julio.
“Gusto namin ng annulment pareho. Wala na rin namang mangyayari may anak na rin siya,” ayon kay John Rey. Kasalukuyan na ring may bagong karelasyon si John Rey, katanungan niya paano mapapawalang-bisa ang kasal nila ni Catherine dahilan para magpunta siya sa aming tanggapan.
Itinampok namin si John Rey sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882KHZ. (Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM at Sabado 11:00-12NN).
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, hindi biro ang pagsasampa ng ‘annulment’, malaking halaga ang kakailanganin dito. Una, kailangang kumuha ka ng isang social worker na kinikilala ng korte (accredited). Ang gagawin nito’y titingnan kung tama nga ang inilagay niyang dahilan kung bakit kumukuha siya ng annulment. Halimbawa, psychological incapacity na pangkaraniwang inilalagay, unfit wife kung meron itong kakalungan sa pag-iisip at hindi na magagampanan ang kanyang tungkulin bilang asawa. Kailangan niya magbayad ng abogado. Kadalasang sa ganitong usapin ang standard acceptance fee ay P30,000-P50,000. Ang una ipag-uutos ng judge ay bigyang ng 6 months grace period kung pwede pa nilang maayos ang kanilang relasyon. Kailangan pa niyang maghintay ng anim na buwan. Samantalang tuloy ang patak ng metro ng abogado kada buwan. At ang panghuli, ginagawa lamang niya ito para pareho silang makaalpas sa pagkagapos ng kanilang sarili sa marriage contract na kanilang pinirmahan. Maliwanag na may ‘collusion’ o sabwatan sa pagitan ng dalawang panig kaya’t hindi rin ito maaprubahan ng hukom. Ang gusto ni John Rey makaalpas siya sa pamamagitan ng annulment na walang gastos para magawa niya ang gusto niya.
(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor City State Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig. O mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Landline 6387285 / 7104038. O mag-message sa www.facebook.com/tonycalvento