‘Uling sa mga kamay’

PINALIBUTAN siya ng mga sundalo na hawak ang mahahabang armas. Sinita at pinahinto sa ginagawa, “Pssst... ano yan! Ligal ba yan?!”

Sa ganitong tagpo pinatigil si ‘Jojo’ ng mga sundalong nakabase sa bulubundukin ng Paenaan, Antipolo.

“Pinatigil nila anak ko sa pagpasok ng mga uling sa loob ng van at dinala nila sa kampo,” kwento ng amang si Robert.        

Si Robert Mayon Sr., mag-70 anyos ay 30 taon ng taga bantay ng apat na ektaryang lupain sa Paenaan, Antipolo  na pagmamay-ari ni Soledad Enriquez. Kalahati ng lupain nasa mababang bahagi ng Antipolo lagpas pa ng Boso-Boso habang ang natitira ay sa bulubunduking gawi na. Pagpapausok sa mga punong namumunga, pagpuputol, at pag-uling ng mga punong ‘di namumunga tulad ng Ipil-Ipil ang ginawa ni Robert sa nasabing lupain.

“Limang taon bago lumaki ng gahita at gabinti ang katawan ng puno ng Ipil-Ipil. Kapag sagabal na sa paglaki ng ibang halaman wala kaming magagawa kundi putulin. Hindi mo naman mapakinabangan ang kahoy ng puno dahil madali itong mabukbok…pang-uling lang talaga,” ani Robert.

Ito ang una niyang pinagkakakitaan. Talumpung taon ng nakakaraan ng ipakilala sa kanya ng isang kaibigan si Soledad. Kapalit ng kanyang pagbabantay ng lupa malaya siyang makakakuha ng mga bunga ng mga nakatanim na rambutan, guyabano at mangga dito. Nang mag-edad 25 ang kanyang panganay na anak na si Robert Amoyen Jr. mas kilala sa tawag na “Jojo” sinama na niya ito sa pagbabantay. Isa sa pinuputol nila ay ang mga puno ng Ipil-ipil. Hindi naman daw siya basta-basta nagpuputol ng walang utos mula sa kanyang amo. Nitong huli nga, buwan ng Enero 2014, inutusan siyang putulin ang mga puno.

“Matanda na ako kaya sa anak kong si Jojo at kasama niyang si Jonjon ang pinagputol ko. Nasa 100 puno yun mga gahita at gabinti ang laki ng katawan,” kwento ni Robert.

Para mapakinabangan ang mga punong kahoy, pinutol-putol ito ni Jojo, pinabagaan at saka tinabunan ng lupa sa loob ng apat na araw para maging uling.

Pebrero 2014 nang maging ganap na uling na nilagay nila ito sa 20 sako.

“Ang plano ko ipanggatong at ipangluto namin sa bahay, tatagal din yun ng mga dalawang  buwang gamitan,” ani Robert.

Ika-4 ng Pebrero 2014, isinakay ni Jojo ang mga sako sa kulay puting KIA Van na may plakang YKK166 na pagmamay-ari ng amang si Robert. Hindi pa raw nakakarga lahat ni Jojo ang uling, lumapit na sa kanya ang mga sundalo na nakatalaga sa Kagawaran ng Kalikasan at Likas na Yaman o DENR sa kanilang lugar. Sila ang mga rumoronda sa bundok ng Antipolo para manghuli ng mga iligal na pagpuputol ng mga puno. Agad na pinapunta sa Barangay San Jose Annex, Antipolo si Jojo ng mga sundalo. Pinaliwanag ni Jojo na ito’y utos lang ng kanyang amang si Robert na siyang ipinag-utos lang din ng among si Soledad.

Hindi naman sila nagkaayos sa barangay kaya’t dinala sila Jojo at Van sa kampo ng mga sundalo sa Antipolo at saka raw idiniretso sa DENR, Antipolo Branch. Region IV-A CALABARZON. Base sa kopya ng Apprehension Receipt mula sa DENR, ginawa nung ika-04 ng Pebrero 2014, ayon dito walang pag-uutos mula sa tanggapan ng DENR para sa ginawang pag-uuling. Persuant to the existing provision of Section 77 (formerly Section 68) of PD 705 as amended by Executive Order No. 277, Series of 1987 and R.A No. 7161, the following forest products, conveyance, equipments and tools to wit: 1 Bersa Besta Kia Van loaded w/ 20 sacks of charcoal P4,000.00 is hereby declared under apprehension for the following reasons: Transporting of undocumented minor forest.

Ito ay pirmado ni PFC Aragones, RS, Squad Leader at PFC Florenzo Yamson, PA-CMO NCO IP ng Panggolorin, Antipolo. Nakaroon ng Administrative Confiscation Hearing sina Robert nung ika-25 ng Pebrero 2014 kasama sina PFC Aragones, Herbert Nacino, Presiding Officer at Dominador Lucas, Chief, FPLEU. Nagpasa ng salaysay itong si Jojo at si Robert tungkol sa pagputol at pag-uling ng mga puno. Maging ang may-ari ng lupa na si Gng. Soledad Enriquez, nagbigay din ng salaysay sa DENR. Base sa kopya ng salaysay:

“Ngayong araw na ito Pebrero 7, 2014 ay aking pinatutunayan na aking ipinag-utos kay Robert Amoyen Sr., na alisin o tanggalin ang mga puno na hindi namumunga gaya ng Ipil-ipil, Madre de cacao at iba pa na malapit sa punong kahoy na namumunga gaya ng Rambutan, Guyabano, Mangga, Chico at Papaya,” — ayon sa salaysay.

Inisa-isa rin ni Gng. Soledad ang dahilan ng pag-utos niyang alisin, tanggalin at patayin ang mga punong ’di namumunga. Una, inaagawan daw ng mga ugat na hindi namumunga ng sustansya ang mga punoykahoy na namumunga. Ang abono na inilalagay sa mga puno ay kaagaw din nito sa pagsipsip. Humihina rin ang paglago at pamumunga ng mga punongkahoy dahil natatabingan.

“Hindi ko pinagbawalan si Robert kung anumang nais niyang gawin sa mga puno na kanyang puputulin o tatanggalin sa pagitan ng mga punong namumunga,” – laman pa ng salaysay.

Mula nang magkaroon ng pagdinig sa DENR ‘di na alam ni Robert ang takbo­ ng kaso dahilan para magpunta siya sa aming tanggapan. Itinampok namin siya sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882KHZ. (Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM at Sabado 11:00-12NN).

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kinapanayam namin sa radyo si Prosec. Romeo Galvez ng Department of Justice (DOJ) para malaman kung may kaso bang maaring nilabag itong si Robert. Nilinaw niyang kung pribadong lupain ito at ito’y pinag-utos lamang at siya’y sumunod lang walang kaso rito subalit dahil sa probisyon na ginawa ng DENR tungkol sa pagpuputol ng puno lalo na’t nasa listahan ito ng mga punong nauubos na, maaring kailangan nga ng permit sa pagputol. Ganun pa man, ang na-impound na sasakyan ni Robert sa DENR ay maari na niyang hilingin na kunin (Motion to Release Evidence) at iprisinta na lang sa mga pagdinig kung kailan kailangan ito. Nagtataka lang kami kung bakit sila ang hinuli at hindi yung nag-utos na may-ari ng lupa na si Soledad. Bakit kaya? (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)       

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor City State Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig. O mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854.  Landline 6387285 / 7104038. O mag-message sa www.facebook.com/tonycalvento

 

Show comments