MULING nagpapaalala ang BITAG sa publiko partikular sa mga dadalaw sa mga sementeryo.
Maaaring marami na sa mga taga-Maynila ang nasa probinsya na, nagbibiyahe palang o hindi naman kaya paalis palang ng bahay.
Maging ‘lerto, baka sa sobrang kasabikan ninyong makaalis, maiwanan ninyo ang inyong mga bahay nang nakabukas o ‘di naman kaya walang nagbabantay.
Sa ganitong mga holiday, napakahalaga na mayroong tao sa inyong bahay lalo na kung mahaba-haba ang inyong bakasyon.
Sa mga maiiwan naman sa bahay maging ‘listo sa lahat ng oras. Hindi garantiya ang mga gwardyang nakatalaga at naglilibot sa loob ng subdibisyon na ligtas na kayo sa mga akyat-bahay at masasamang-loob.
’Wag papakampante, alam ng mga kawatang nagmamasid at nagmamanman ang kanilang pupuntiryahin at lolooban.
Kaya kung kayo ay maiiwang mag-isa sa bahay, mabuting buksan ang ilaw sa labas lalo na sa gabi at bahagyang buksan din ang ilaw sa loob.
Kung kinakailangan, magpatugtog ng radyo o music para alam ng mga dumadaan at iisiping may naiwang residente.
Sakali namang wala talagang maiiwan at uuwi lahat sa probinsya, mabuting ibilin ninyo ang inyong bahay sa pinagkakatiwalaang kapitbahay pero isipin din na hindi nila ito mababantayan sa lahat ng pagkakataon.
Ipakisuyo na tanggalin ang mga delivery ng dyaryo at walisan ang inyong bakuran lalo na kung kayo ay magtatagal ng linggo o buwan upang hindi mapaghahalataang walang tao.
Nasa amin ang babala, nasa inyo ang pag-iingat!
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.