Kabataan ngayon

DUMALO ako sa Counterflow 2014 --- isang parenting seminar na pinangunahan ng CCF, ang aking simbahan noong Sabado. Si Francis Kong ang speaker. Ani Mr. Kong, ang mga kabataan ngayon ay henerasyon ng mga first:

1. Unang henerasyong hindi kailangan ng matanda upang kumalap ng impormasyon. Bata pa ay marunong nang mag-google.

2. Unang henerasyong kayang i-broadcast ang kanilang mga damdamin. Uso ngayon ang pagpo-post ng mga status at opinyon sa kahit anong bagay. Nakakatawang isiping may mga bata ngayong hindi kayang sabihin sa mga magulang ang nararamdaman nila at kung hindi pa sila FB friends ay hindi talaga nila matutuklasan ang nararamdaman ng anak.

3. Nai-enjoy ang stimuli sa isang pindot lamang ng daliri 24/7. Dahil laging online anumang gustong gawin, ano mang uri ng entertainment ay maaari nilang makuha kahit anong oras.

4. Laging connected sa social media pero sa personal ay laging nag-iisa o isolated. Mas­yadong abala at mas interesado sa social media pero kapag may kaharap ng tao ay hindi na kayang makisalamuha.

5. Unang henerasyong tila mas marami pang natututunan mula sa mga gadget kaysa sa klase sa silid-aralan. Tila mas gusto pa ngang online na lang ang lahat ng pananaliksik at ayaw nang pumunta sa library!

6. Henerasyon kung saan mismong mga magulang ang nagiging sanhi ng pagiging narcissistic ng mga bata, at pagkakaroon ng sense of entitlement. Dahil abala ang magulang sa pagtatrabaho ay kino-compensate ang kakulangan sa oras sa materyal na bagay at pinapaliguan pa ang mga anak ng labis na papuri.

7. Cell phone na lamang ang ginagamit kaysa relo, kalendaryo at board games. Timer, schedules at apps lahat nasa iisang gadget na lang!

8. Nakakapunta sa kahit saang bahagi ng mundo dahil sa budget fares ngayon. Well-travelled oo, pero hindi kilala ang kanilang sariling bansa.

9. Experto sa mga bagay-bagay at madaling natututunan dahil youtube lamang. Kapag may bagong gadget nga imbis na magbasa ng manual ay aaralin na lang sa nasabing website.

10. Kumikita na ng sa­riling pera nila bago pa man makapagtapos ng pag-aaral. Tuloy ang ibang mga kabataan, hindi na siniseryoso ang pagkakaroon ng diploma dahil marami namang paraang kumita kahit hindi naka-graduate.

 

Show comments