Lalaki sa India, mag-isang tinaniman ang isang buong gubat
MAHIGIT 30-taon na ang nakakalipas nang simulan ng isang teenager sa India ang pagtatanim sa isang pirasong lupain na mistulang disyerto dahil sa pagkatuyot nito.
Ngayon ay 50-anyos na ang teenager at dahil sa kanyang ginawang pagtatanim sa kapirasong lupain, ngayon ay isa na iyong kagubatan ang lupain na dati’y mga buhangin lamang ang makikita.
Ang lalaki ay si Jadav Payeng. Taon 1980 nang simulang taniman ni Jadav ang isang banlik o sandbar na malapit sa ilog Brahmaputra. Naisipan niyang lagyan ng mga puno at halaman ang sandbar nang mapansin niyang napakaraming hayop na namamatay sa nasabing sandbar dahil walang makapitan ang mga ito sa buhanginan kapag tinatangay nang malalakas na agos ng ilog.
Noong una, tinulungan siya ng isang ahensya ng pamahalaan sa India sa kanyang adhikain ngunit nang kalaunan ay siya na lang ang natirang nagtatanim at nangangalaga sa lugar.
Sa pagpupursige niya sa pagtatanim, naging isang gubat ang dating banlik na lugar puro buhangin lamang. Hindi lang mga halaman at puno ang matatagpuan sa lupaing binago ni Jadav dahil ngayon ay may mga hayop na ring naninirahan dito katulad ng mga tigre at rhinoceros.
Bilang pagkilala sa kanyang nagawa, pinangalanan ng mga tao ang gubat na Molai Forest, sunod sa palayaw ni Jadav. Ngayon ay naninirahan pa rin si Jadav malapit sa gubat na kanyang pinagsikapang taniman 30 taon na ang nakararaan.
- Latest