TOTOO talagang mapagbiro ang tadhana…
Noong bata pa ako at kailangang-kailangan namin ang bahay dahil pinalayas kami ng aming kasera, hilong talilong ang aking ina sa paghahanap ng aming malilipatan. Akala ninyo, sa apihan teleserye lang matutunghayan ang eksenang pinapalayas agad-agad ng kasera ang isang pamilyang nangungupahan. Weh, totoong-totoo ’yun. Hindi pa man pinauuso ng mga scriptwriters ang ganoong eksena, naranasan na namin ’yung “palayas kawawa scene”.
Kung sa teleserye, ang dahilan ng pagpapalayas ay walang pambayad ang mga nangungupahan, ang dahilan ng pagpapalayas sa amin ay BABOY. Nagpaalaga ng apat na kulig (baby pig) ang kasera sa aking ina. Ganito ang kasunduan: Hati sila ng kasera sa gastos sa pagkain ng baboy. Pero ang aking ina ang full time yaya ng kulig. Kapag naibenta ang baboy, hati sila sa kikitain. Lumaki ang mga baboy at ibinenta sa mga may-ari ng meatshop. Pagkatapos ng bentahan at nagkukuwentahan na ng pera, biglang may isiningit ang kasera na wala sa kanilang pinagkasunduan. Dapat daw ay bawasin sa kinita ang renta sa banlat (pig pen). Ang kasera ang may-ari ng banlat. Kaso, mahina yata sa math ang kasera. Dapat ay hahatiin sa dalawa ang renta sa banlat pero ang ginawa ng kasera ay sa aking ina lahat na-charge ang renta kaya halos ay wala nang natira sa kanyang share na kinita. Bakit daw siya magrerenta sa sarili niyang pag-aari? Sasabog na ang dibdib ng aking ina kaya isinauli na lang niya ang lahat ng pera, sabay sabing: “Sige ho, sa iyo na lahat ang pera. Ipagpalagay na lang natin na tulong ko na lang sa iyo ang pag-aalaga ko ng mga baboy mo.” Nainsulto ang kasera at minura ang nanay ko kasabay ng pagpapalayas sa amin noong oras din iyon.
Mapagbiro talaga ang tadhana. Kung noon ay wala kaming matirahang bahay matapos palayasin ng kasera, ngayon ay problema namin kung sino ang patitirahin, kahit libre, sa aming bahay. Ang aming pag-aalala ay bunga ng pangyayari na pinasok ng magnanakaw ang aming bahay. Ngunit sa kabilang banda, kapag may tumira sa aming bahay, malaki ang posibilidad na may masira, kagaya noong unang pinaupahan namin ito. Kumita ka nga sa renta, may nakasamaan ka pa ng loob pagkatapos mong kausapin tungkol sa mga nasira.
Sa bandang huli, napagkasunduan naming mag-iina na hayaan na lang kahit walang nakatira. Hindi naman siguro araw-araw ay papasukin ng mga magnanakaw ang aming bahay. Isa pa, madadala na ang mga kawatan dahil walang nanakaw. Kung may nakatira, araw-araw papangit ang aming bahay. Siyempre, ang mga tenants, hindi nila iingatan ang bahay na inuupahan nila dahil hindi naman iyon sa kanila.